Calendar
SEC WITNESS: SENADO ANG HAHATOL KUNG VP SARA MAY CHARTER VIOLATION
NAKALISTA pa rin si Vice President Sara Duterte bilang director at miyembro ng compensation committee ng Metro City Chow Foods Corp. sa corporate filings habang nanunungkulan bilang bise presidente, ngunit sinabi ng isang Securities and Exchange Commission official na Senado ang magpapasya kung ang corporate role niya ay lumabag sa Konstitusyon.
Lumabas ang usapin nang tanungin ni Senate President and Senator-judge Sherwin Gatchalian si SEC Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo del Rosario tungkol sa mga posisyong nakatala kay Duterte sa corporate records ng kumpanya.
Tinanong ni Gatchalian kung ang pagiging miyembro ni Duterte ng compensation committee ay nangangahulugang may direktang partisipasyon siya sa pamamahala ng kumpanya.
“Ayon po sa report ng corporate secretary,” sagot ni Del Rosario.
Nang itanong ni Gatchalian kung maaaring paglabag ito sa Konstitusyon dahil ipinagbabawal dito ang paglahok sa negosyo, sumagot si Del Rosario ng “Opo.”
Ngunit nang muling tanungin kung mayroon ngang paglabag, hindi nagbigay si Del Rosario ng tiyak na legal na konklusyon at iniwan sa Senado ang paghatol.
“Siguro po it’s the Senate po ang bahalang maghusga kung talagang meron violation,” aniya.
Sa ilalim ng Article VII, Section 13 ng 1987 Constitution, ipinagbabawal sa Pangulo, Bise Presidente, mga miyembro ng Gabinete at kanilang deputies o assistants, habang nanunungkulan, ang direkta o hindi direktang paglahok sa anumang negosyo, bukod sa iba pang nakasaad na pagbabawal.
Batay sa General Information Sheets na iniharap sa impeachment court, nakalista si Duterte bilang miyembro ng board of directors ng Metro City Chow Foods mula 2022 hanggang 2025.
Ipinakita rin ng records na mayroon siyang ₱50,000 subscribed capital mula sa ₱250,000 initial subscribed capital ng kumpanya, katumbas ng 20 porsiyento.
Ayon kay Del Rosario, ipinakita ng company records mula 2022 hanggang 2024 na fully paid ang ₱50,000 subscription. Ngunit sa amended 2025 GIS, ₱12,500 ang nakatalang paid-up amount.
Sinabi ni Del Rosario na ang SEC records ay nakabatay sa impormasyong isinusumite ng mga korporasyon. Hindi niya ipinaliwanag kung bakit nagbago ang nakatalang paid-up amount.
Wala rin umanong dokumento sa SEC na nagpapakitang dumalo si Duterte sa board meetings o personal na lumahok sa partikular na corporate transactions habang bise presidente.
Sinabi rin ni Del Rosario na hindi inimbestigahan ng SEC kung ang corporate role ni Duterte ay maaaring paglabag sa Konstitusyon dahil saklaw ng investigative authority ng ahensya ang mga paglabag sa securities at corporate laws.
Ang testimonya ni Del Rosario ay iniharap sa pagdinig sa Article II ng impeachment case, na kinabibilangan ng mga alegasyon kaugnay ng yaman, Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALNs, at business interests ni Duterte. Itinatanggi ng depensa ang mga paratang laban sa bise presidente.

