LTFRB Source: Raffy Tulfo in Action

LTFRB may SCO sa kumpanya ng taxi na may pasaherong inabuso ng driver

Jun I Legaspi Sep 21, 2026
177 Views

NAGLABAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order (SCO) laban sa isang kumpanya ng taxi kaugnay ng umano’y seksuwal na pang-aabuso ng driver nito sa isang babaeng pasahero.

Ayon kay acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., binigyan ang operator ng tatlong araw upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang awtoridad nitong mag-operate kaugnay ng insidente.

“Ang awtoridad na mag-operate ay hindi lamang nakabatay sa kaginhawaan at pagiging maaasahan ng pampublikong transportasyon,” ani Pua.

Batay sa ulat, nangyari ang insidente noong Setyembre 12 nang makatulog ang pasahero habang nasa taxi.

Sa halip na dalhin siya sa kanyang destinasyon, nagtungo umano ang driver sa ibang lugar kung saan naganap ang sinasabing seksuwal na pang-aabuso.

Nakasaad sa SCO na ang naturang insidente ay paglabag sa mga probisyong nag-aatas ng ligtas, maaasahan, at maginhawang serbisyo sa pampublikong transportasyon sa lupa.

Inatasan din ng LTFRB ang operator na humarap sa pagdinig ng kaso.

Ayon sa SCO, ang hindi pagharap ng mga respondent sa hearing officer at hindi pagsusumite ng answer ay ituturing na pagtalikod sa kanilang karapatang marinig at maaaring magresulta sa pagpapataw ng P5,000 multa.