AFP sumusubok ng drones, nagpapaunlad

32 Views

SINABI ni AFP Chief of Staff Gen. Antonio Nafarrete na nagpapaunlad at sumusubok na ang militar ng drone capabilities at nag-alok si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ng suporta sa pondo para sa programa sa pagtalakay ng Kongreso sa badyet.

Nagsasagawa ng research and development ang mga pangunahing sangay ng AFP kung paano gagamitin at ide-deploy ang mga drone, ayon sa AFP chief.

Nang tanungin ni Lacson kung may aktuwal nang testing, sumagot ng “oo” si Nafarrete.

“Glad to hear that. And if you have any budgetary requirements, kindly inform us. Kasi padating na ang budget sa Congress, transmitted na sa amin ang NEP,” sinabi ni Lacson.

Hiniling ni Lacson sa AFP na isumite ang kinakailangang pondo at specifications upang maisaalang-alang sa pagtalakay ng badyet.

Ayon kay Lacson, maaaring maging mas abot-kayang opsyon sa depensa ang drones dahil sa mataas na halaga ng malalaking warship at long-range missiles.

Anumang karagdagang pondong susuportahan niya ay dapat dumaan sa tinatawag niyang “institutional amendment,” o pagbabago sa panukalang badyet na nakabatay sa kahilingan ng ahensya at dumaan na sa pagpaplano at pagsusuri.

Inihiwalay niya ito sa mga pagbabago sa badyet na tinawag niyang self-serving insertions.