Houthi Source: Screen grab mula Houthi video

Agarang proteksyon para sa mga Pilipinong marino hiniling masiguro

SA gitna ng mga kinakaharap na mga pagsubok ng ilan sa mga kababayan natin na nagtatrabaho sa gitna ng karagatan, nanawagan sina Senador Raffy Tulfo at Sherwin Gatchalian ng mabilis na aksyon mula sa pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipinong marino, kasunod ng napaulat na pag-atake at paglubog ng barkong MV Eternity C sa Red Sea, na sinasabing ginawa ng mga rebeldeng Houthi.

Ayon sa mga ulat, ang Eternity C ay isang barkong may bandilang Liberia at pinamamahalaan ng kompanyang Griyego. Habang bumabaybay ito malapit sa Yemen noong Hulyo 7, pinaputukan umano ito ng mga drone at maliliit na bangkang armado. Makalipas ang dalawang araw, lumubog ang barko. Nabatid na ito ay may dalang mga butil para sa humanitarian mission ng United Nations World Food Programme papuntang Jeddah, Saudi Arabia.

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na 21 sa 22 tripulante ay mga Pilipino, kabilang ang kapitan. Sa ngayon, anim ang nailigtas—lima sa kanila ay Pilipino—habang apat ang kumpirmadong nasawi at ilan pa ang nawawala.

Mabilis na umapela si Senador Tulfo ng tulong para sa mga marino. “Ang aksyon ng ating gobyerno ay magsisilbing pag-asa para sa mga nag-aalalang pamilyang ng ating mga seafarer,” aniya.

Hinikayat din niyang unahin ang rescue operations at suporta para sa mga apektado.

Iginiit din ni Tulfo na dapat pag-isipan ng DMW ang pagtigil sa pagpapadala ng mga Pilipinong marino sa mga barkong dumaraan sa mga delikadong lugar tulad ng Red Sea. “Dahil sa mga sunod-sunod na pag-atake ng mga barko sa Red Sea sa nakalipas na dalawang taon, dapat ikonsidera ng DMW ang pagbabawal ng deployment… at mailipat na lang sila sa mga mas ligtas na rotang pandagat,” dagdag pa niya.

Bilang agarang hakbang, pansamantalang sinuspinde ng DMW ang pagpapadala ng mga Pilipino sa mga barkong pinapatakbo ng LMA Status Maritime, na siyang may hawak sa Eternity C.

Kinilala ni Tulfo ang desisyong ito at binigyang-diin ang pangangailangan ng maagang paghahanda. “Our seafarers are essential to global trade, and their safety cannot be compromised,” aniya.

Samantala, nagpaabot din ng panawagan si Senador Gatchalian na tiyaking ligtas ang lahat ng Pilipinong marino sa iba’t ibang barko, lalo na ang natitirang 21 tripulante ng Eternity C. “While 17 Filipinos aboard the Liberia-flagged MV Magic Seas have been confirmed safe, I urge the Department of Migrant Workers to leave no stone unturned in securing the safety and security of the remaining 21 Filipinos aboard MV Eternity,” sabi niya.

Tinukoy rin ni Gatchalian ang Magna Carta of Filipino Seafarers bilang legal na batayan sa pagprotekta sa mga marino sa ganitong mga panganib.

“We championed the Magna Carta… to protect our seafarers in high-risk situations like this. Their courage sustains global trade, yet their lives are constantly at risk,” paliwanag niya.

Nanawagan din siya sa publiko para sa panalangin: “Patuloy nating ipanalangin ang kaligtasan ng ating mga marinong nasa gitna ng panganib.”

Kapwa nangako ang dalawang senador na patuloy nilang babantayan ang insidente at makikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang tulong, hustisya, at seguridad ng mga Pilipinong marino sa buong mundo.