Calendar
Magsino nananawagan sa mga OFWs, Pinoy seafarers na pabantayan kaanak sa PH

NANANAWAGAN si dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at Filipino seafarers na I-monitor o pabantayan ang kanilang mga anak at iba pang mahal sa buhay dito sa Pilipinas para hindi sila matuksong lumahok sa online gambling.
Bilang nananatiling tagapag-tanggol ng mga OFWs at Pinoy seafarers. Ito ang ipinayo ni Magsino para sa mga Migranteng Pilipino sa gitna ng lumalalang kaso ng mga kabataan, menor de edad at ilang estudyante na nalululong sa online gambling.
Ipinahayag ni Magsino na hangad lamang nito na pagmalasakitan ang libo-libong OFWs at Filipino seafarers na nagbabanat ng buto sa ibayong dagat para lamang mabigyan ng magandang buhay ang kani-kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Sinabi ng dating kongresista na hindi biro ang pakikipag-sapalaran ng mga ito sa ibang bansa dahil maiututring na buwis buhay ang kanilang trabaho bunsod ng ilang kaso ng mga Pilipino na namatay o kaya’y naaksidsente sa abroad.
Dahil dito, binigyang diin ni Magsino na napakasakit para sa isang OFW at Pinoy seafarers ang makatanggap ng balita na ang kanilang anak o sinoman sa kanilang pamilya ang nalululong at nauubos ang perang ipinapadala nila dahil sa online gambling.
“Dugo at pawis ang puhunan ng ating mga kababayang OFWs at Filipino seafarers. Kaya masakit at mahirap para sa kanila kung malaman nila na ang perang ipinapadala nila ay napupunta o nauubos lang sa pagsusugal sa online,” paliwanag ni Magsino.
Para sa kaniya, kahit na nagta-trabaho sa ibang bansa. Mahalaga parin na ma-monitor o mapabantayan ng mga OFWs ang kanilang mga anak dito sa bansa upang sila ay maiiwas sa masamang bisyo na hatid ng online gambling at iba pang kahalintulad nitong sugal.
Samantala, bagama’t wala sila sa roster ng mga miyembro ng 20th Congress, tuloy-tuloy naman ang pagtugon ng OFW Party List group sa pangangailangan ng mga OFWs at kanilang pamilya matapos itong mamahagi ng medical supplies at mga pangunahing gamot.

