Cabanatuan

Akyat Bahay nilooban bahay sa Cabanatuan

Steve A. Gosuico Jul 26, 2026
76 Views

Cabanatuan1CABANATUAN CITY–Tatlong hinihinalang miyembro ng Akyat-Bahay gang ang naaresto matapos pasukin ang isang bahay at tangayin ang halos P.2 milyon nong Sabado.

Kinilala ang tatlong arestadong suspects na 28-anyos lalaki, babaeng 26-anyos at lalaki, 21.

Tinangay umano ng mga suspects ang Sony Playstation 5 (P40,000); Nintendo DS (P3,000); ROG Strix gaming laptop (P150,000); Fairtex boxing gloves (P6,000) kabilang ang passport ng biktima at kanyang asawa na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng P199,000.

Ayon sa ulat ni Lt. Col. Renato Morales, nakatanggap sila ng tawag na humihingi ng saklolo mula sa may-ari ng bahay sa Block 71, Lot 2, Grand Victoria Estates, Bgy. Cruz Roja dakong alas-11:15 ng gabi at sinabing nilooban ang bahay niya ng mga ‘di kilalang tao sakay ng Chevrolet Optra sedan.

Pinwersa aniya ang pag-entrada ng mga suspects sa kanyang bahay matapos basagin ang salaming bintana sa salas ng bahay, dagdag ng 30-anyos na complainant.

Nai-alarma agad ang deskripsyon ng sasakyan ng mga kawatan sa mga operating units at naispatan sila ng Cabanatuan City mobile patrollers na bumabagtas patungong Purok 5, Badiao’an Tagalog, Bgy. Bakod Bayan dito dakong hatinggabi.

Narekober mula sa kanila ang isang kalibre .22 na homemade Uzi-style piston at 0.3 grams ng shabu katumbas ng P1,500.

Sasampahan ang tatlong suspects ng kasong robbery, paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).