PMMS

Anak ng mga parak magkakaroon ng scholarship sa PMMS

Jun I Legaspi Aug 5, 2025
299 Views

TINANGGAP ng Philippine Merchant Marine School (PMMS) ang panawagan ng National Police Commission (NAPOLCOM) na magbukas ng scholarship para sa mga anak ng aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP).

Ang pagtanggap tugon sa panawagan ni NAPOLCOM Vice Chairperson at Executive Officer Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan na humihikayat sa mga institusyong pang-edukasyon na tumulong sa pagbibigay ng oportunidad sa mga anak ng pulis na karapat-dapat makatanggap ng dekalidad na edukasyon.

Ipinahayag ni PMMS President at CEO Juan O. Nolasco III ang kahandaan ng kanilang institusyon na tumulong sa mga estudyanteng anak ng pulis na may determinasyong makapagtapos ng pag-aaral.

“Kami po ay bukas-palad na sumusuporta sa layuning ito bilang bahagi ng aming adbokasiya sa edukasyon at serbisyo publiko,” ani Nolasco.

Kasabay ng pagkakaloob ng tulong, ipinagdiriwang din ng PMMS ang diamond anniversary nito bilang isa sa pinakamatagal na maritime school sa bansa mula nang itatag noong 1950.

Nagpaabot ng pasasalamat si Commissioner Calinisan sa PMMS sa kanilang agarang tugon.

Ang pakikipag-ugnayang ito ay inaasahang maisasapinal sa nalalapit na paglagda Memorandum of Agreement sa pagitan ng NAPOLCOM at PMMS.