Tingog2 Isang makabuluhang konsultasyon ang pinangunahan ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman Jude A. Acidre ng Tingog Party-list kasama ang mga lider ng iba’t ibang civil society organizations (CSOs), bilang hudyat ng mas malawak na hakbang upang ma-institutionalize ang partisipasyon ng publiko sa pagbuo ng pambansang badyet para sa 2026.

Konsultasyon sa mga civil society groups sinimulan na ng Kamara

242 Views

PINANGUNAHAN ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman Jude A. Acidre ng Tingog Party-list ang isang makabuluhang konsultasyon kasama ang mga lider ng iba’t ibang civil society organizations (CSOs), na siyang hudyat ng mas malawak na hakbang upang ma-institutionalize ang partisipasyon ng publiko sa pagbuo ng pambansang badyet para sa 2026—isang mahalagang hakbang tungo sa mas mataas na antas ng transparency at pananagutan sa paggasta ng pamahalaan.

Sa pagpupulong nitong Martes, na ginanap sa Kamara de Representantes, nagpahayag ng kasiyahan si Acidre sa ipinakitang sigasig ng mga lumahok at sa kanilang matibay na suporta sa mas malawak na transparency at accountability reforms na isinusulong sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa nalalabing tatlong taon ng Marcos administration.

“Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez, nagsisimula na tayong buksan ang pinto para sa taumbayan sa usapin ng pambansang badyet,” ani Acidre. “Because a government that listens, delivers better.”

“I am encouraged by the energy and the openness that our civil society partners brought to the table today (Tuesday). Your participation is not only welcome, it is essential if we are to make the national budget process a true reflection of the people’s priorities,” wika pa ni Acidre.

“We believe that involving civil society groups at the very start of budget discussions will help us craft a national budget that is more responsive, inclusive, and aligned with the needs of our people,” dagdag niya. “This is not just about transparency—it’s about empowering citizens to help shape national priorities.”

Kabilang sa mga dumalo sina Atty. Natasha Daphne Sta. Clara Marcelo ng MoveAsOne Coalition, Engr. Rene Santiago ng Foundation for Economic Freedom, Eunice Tanilon ng We Solve Foundation, Raul Montemayor ng Federation of Free Farmers, Danica Supnet ng Institute for Climate and Sustainable Cities, Adolfo Jose A. Montesa ng People’s Budget Coalition, May R. Cinco ng ENet Philippines, John Benedict Felices ng Jesse Robredo Institute/La Salle, Jeck Cantos ng Social Watch, Inc., Ralph Degoncillo ng Health Justice, at Sandino J. Soliman at Bryan Ezra Gonzales ng CODE-NGO.

Kasama rin nila si DSG Romulo Emmanuel Miral ng Congressional Policy and Budget Research Department at si Atty. Muel Romero, Head Executive Assistant ng Office of the Speaker.

Ang House Resolution (HR) No. 94, na inihain ni Speaker Romualdez kasama sina Tingog Reps. Yedda Marie K. Romualdez, Andrew Julian Romualdez, at Acidre, ay nagpapahintulot sa mga lehitimong people’s organizations at NGOs na mabigyan ng opisyal na non-voting observer status sa mga pampublikong pagdinig ng Appropriations Committee ukol sa pambansang badyet at sa lahat ng kasunod na general appropriations.

Nakasaad sa resolusyon na ang mga accredited observers ay iimbitahang dumalo sa mga budget briefing at deliberasyon, makapagsumite ng mga position paper, at magkaroon ng access sa mga kaugnay na dokumento ng badyet na kailangan para sa kanilang partisipasyon.

Layunin din nitong palakasin ang citizen oversight at mas mapalawak ang pagsusuri sa alokasyon ng pondo ng pamahalaan.

“This is not token participation. We want a system where your voices are heard, your expertise is recognized and your insights are valued to help shape the decisions we make on public spending,” paliwanag ni Acidre.

Ang panukala ay bahagi ng tatlong haligi ng reporma sa badyet na isinusulong ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez. Kabilang dito ang pagbubukas ng bicameral conference committee meetings sa publiko, pag-abolish ng “small committee,” at pagbibigay ng opisyal na observer status sa mga kinatawan ng civil society at NGOs sa mga pagdinig sa badyet.

“These reforms are meant to take away the shadows from the budget process. We want the people to see what we see, to know what we know and to understand why we make the choices we do,” ani Acidre.

Ipinahayag ng mga dumalo ang kanilang suporta sa panukala at binigyang-diin ang kahalagahan ng maagang access sa impormasyon tungkol sa badyet, dayalogo na nakabatay sa sektor, at tuloy-tuloy na partisipasyon sa buong budget cycle.

Tiniyak ni Acidre na isasama sa pinal na bersyon ng resolusyon ang kanilang mga mungkahi at puna.

“The work does not end with passing the resolution. This is about creating a culture of transparency where civil society has a standing invitation to keep government on its toes,” aniya.

Binigyang-diin rin niya na ang pagsama ng mga observers ay hindi upang pahinain ang konstitusyonal na papel ng mga mambabatas, kundi upang pagyamanin ang mga deliberasyon sa pamamagitan ng mga pananaw mula sa labas ng pamahalaan.

“We legislate better when we legislate with the people, not just for them,” aniya.

Sinabi ni Acidre na ang konsultasyon ay simula pa lamang ng serye ng mga engagement kasama ang mga grupo ng civil society, kabilang na ang mga konsultasyong pang-sektor at pang-rehiyon, upang masigurado ang malawak na representasyon at partisipasyon.

“In the end, a budget is more than just numbers on a spreadsheet: it is a statement of national priorities. If we are serious about making those priorities serve the people, then the people must have a seat in the room where those decisions are made.”

Muling tiniyak ni Acidre ang pagtutok ng Kamara—sa pamumuno ni Speaker Romualdez—na gawing mas bukas at tunay na participatory ang proseso ng pagbubuo ng pambansang badyet.

“This is just the beginning. We look forward to building a structured partnership with civil society as we enter the 2026 budget cycle. Their insights are vital in ensuring that we allocate resources where they matter most,” aniya.

Ang resolusyon ay humuhugot ng lakas mula sa pagkilala ng 1987 Konstitusyon sa karapatan ng mamamayan na makibahagi sa paggawa ng polisiya, gayundin mula sa Revised Administrative Code, na binibigyang-diin ang pambansang badyet bilang isang kasangkapan para sa pag-unlad.

Ang inisyatibong ito ay kaakibat rin ng panawagan ni Pangulong Marcos para sa mas pinahusay na fiscal governance at mas maayos na serbisyo publiko.