Abante Si Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng ika-6 na distrito ng Maynila, na nanguna rin sa orihinal na Quad Comm, ay muling nahalal na Chair ng Committee on Human Rights.

Quad Comm binuhay para ipagpatuloy mga imbestigasyon

260 Views

Hinggil sa karapatang pantao, kaligtasan ng publiko, pagkakaroon ng pananagutan

BINUHAY ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang makapangyarihang “Quad Comm” — isang pinagsamang lupon ng apat na standing committee — upang maipagpatuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga mahahalagang isyu ng bansa.

Pinagtibay sa sesyon ng Kamara nitong Martes ang House Resolution (HR) No. 106 upang mabuo ang Kamara na hudyat ng pormal na paglulungsad ng “Quad Comm 2.0,” isang institusyonal na mekanismo na naglalayong ipagpatuloy at palawakin ang mga naiwang imbestigasyon mula sa ika-19 na Kongreso kaugnay sa mga matagal nang suliranin at hindi pa nalulutas na pambansang isyu.

Pinahihintulutan ng HR No. 106 ang mga komite ng Human Rights, Public Order and Safety, Dangerous Drugs, at Public Accounts na magsagawa ng joint imbestigasyon, bilang bahagi ng paggawa ng batas, sa mga isyu na tinalakay na noon at mga bagong lumilitaw na usapin na inilabas sa naunang imbestigasyon ng orihinal na Quad Committee.

Kinilala sa resolusyon ang agarang pangangailangang balikan ang mga seryosong kaso at tugunan ang mga sistemikong problemang nananatiling hindi naaksyunan—lalo na ang mga alegasyon ng extrajudicial killings, abuso sa kapangyarihan, ilegal na aktibidad kaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), at mga kakulangan sa pananagutan sa hanay ng mga law enforcement at ahensya ng pamahalaan.

Si Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng ika-6 na distrito ng Maynila, na nanguna rin sa orihinal na Quad Comm, ay muling nahalal na Chair ng Committee on Human Rights.

Makakasama ni Abante sina Rep. Jonathan Keith Flores ng ika-2 distrito ng Bukidnon, Chair ng Committee on Dangerous Drugs; Rep. Rolando Valeriano ng ika-2 distrito ng Maynila, Chair ng Committee on Public Order and Safety; at Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list, Chair ng Committee on Public Accounts.

Sinabi ni Abante na ang muling pagbuo ng Quad Comm ay hindi lamang pagpapatuloy ng naumpisahan kundi isang moral na obligasyon upang ipagpatuloy ang paghahanap ng katotohanan at katarungan na noon ay naantala o ipinagkait.

Binigyang-diin niya na ang gawain ng Quad Comm ay hindi dapat maging bahagi ng pulitika o pagkakampi-kampi kundi dapat ay nakasentro sa pananagutan, transparency, at paggalang sa buhay ng tao.

“There is still work that must be done — truths that remain hidden, perpetrators who remain unpunished, and families who still wait for answers,” ani Abante. “Justice does not expire with time.”

Mariin din niyang pinabulaanan ang anumang alegasyon na pulitikal ang motibo ng komite, at sinabi: “This is not a partisan crusade. This is a moral one. Because murder knows no color but one — red, the color of blood unjustly spilled.”

Noong ika-19 na Kongreso, nagsagawa ang Quad Comm ng mga magkatuwang na pagdinig sa ilang mataas na uri ng isyu gaya ng pagkawala ng mga “missing sabungeros,” pagsasagawa ng mga anti-drug operations ng mga awtoridad, at pag-usbong ng mga sindikatong sangkot sa ilegal na offshore gambling operations.

Sa imbestigasyon ng komite, nabunyag ang nakakabahalang mga padron ng pang-aabuso sa kapangyarihan na bumagtas sa iba’t ibang nasasakupan, na naging dahilan para manawagan ang civil society, mga pamilya ng biktima, at iba pang sektor na ipagpatuloy ang imbestigasyon at maisalin ito sa makabuluhang batas.

Sa muling pag-aktibo ng Quad Comm, layunin ng Kamara na ipagpatuloy ang pundasyong inilatag ng naunang lupon.

Ang bagong Quad Comm 2.0 ay muling titingnan ang mga naunang testimonya, muling tatawagin ang mga resource persons, at palalawakin ang saklaw ng imbestigasyon upang matugunan ang mga bagong pangyayari, kabilang ang umuusbong na mga organized crime network at mga alegasyon ng sistematikong pang-aabuso ng mga nasa pamahalaan.

Inaasahan na magbubunga ito ng mga panukalang batas na magpapatibay sa mga mekanismo para maiwasan ang mga abuso at mapalakas ang mga institusyon.

Kabilang sa mga pangunahing panukala na isinusulong ay ang Anti-Extrajudicial Killing Act, isang panukalang batas na magtatakda ng mga pamantayan upang maiwasan at maimbestigahan ang mga labag sa batas na pagpatay, at ang Civil Forfeiture Act, na naglalayong kumpiskahin ang mga hindi maipaliwanag na ari-arian ng mga opisyal ng gobyerno at mga kriminal na organisasyon.

Binigyang-diin ni Abante na ang Quad Comm 2.0 ay magiging parehong imbestigatibo at lehislatibo sa layunin, upang matiyak na walang kaso ng inhustisya ang mailalagay sa ilalim ng alpombra.

Inilarawan niya ang pagbubuo ng komite bilang isang pagsubok sa tapang ng Kongreso na gampanan ang tungkulin nito sa ilalim ng Saligang Batas.

“This is about restoring the public’s faith in our institutions,” aniya. “It’s about ensuring that the House of Representatives remains a true bastion of the people’s rights and welfare.”

Inaasahang magsasagawa ng pulong ang mga pinagsanib na komite sa mga darating na linggo, kasunod ang mga public hearing.

Nagpahayag ng buong suporta ang mga miyembro ng apat na komite sa inisyatiba at tiniyak na isasagawa nila ang imbestigasyon nang may transparency, kasipagan, at patas na pagtingin.

Sa muling pag-aktibo ng Quad Comm, nagpadala ang Kamara ng malinaw at matatag na mensahe: ang paghahanap ng katotohanan, katarungan, at makabuluhang reporma ay hindi nalilimitahan ng termino sa pulitika, at gayundin ang tungkulin nitong protektahan ang dangal at karapatan ng bawat Pilipino.