Tingog1 Si Jude Acidre ng Tingog Party-list, tagapangulo ng House Committee on Higher and Technical Education, ay nakisama sa mga kinatawan ng mga nangungunang civil society organizations para sa isang grupong larawan matapos ang isang konsultasyon na ginanap sa Mababang Kapulungan ng Kongreso nitong Martes kaugnay ng House Resolution (HR) Blg. 94.Dumalo sa pagpupulong sina Atty. Natasha Daphne Sta. Clara Marcelo ng MoveAsOne Coalition; Engr. Rene Santiago ng Foundation for Economic Freedom; Eunice Tanilon ng We Solve Foundation; Raul Montemayor ng Federation of Free Farmers; Danica Supnet ng Institute for Climate and Sustainable Cities; Adolfo Jose A. Montesa ng People’s Budget Coalition; May R. Cinco ng ENet Philippines; John Benedict Felices ng Jesse Robredo Institute/La Salle; Jeck Cantos ng Social Watch, Inc.; Ralph Degoncillo ng Health Justice; at sina Sandino J. Soliman at Bryan Ezra Gonzales ng CODE-NGO. Kuha ni VER NOVENO

Kamara pinatibay reso para civil groups makalahok sa paggawa ng badyet

221 Views

PINAGTIBAY ng Kamara de Representantes nitong Martes ang House Resolution (HR) No. 94 na naglalayong buksan sa mga civil society organizations (CSOs) ang pagdinig kaugnay ng panukalang national budget.

Inakda nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez, Jude A. Acidre, at Andrew Julian K. Romualdez, ang resolusyon para sa transparency, people-centered governance, at inclusive development.

“Siguradong mas malakas ang boses ng taumbayan sa deliberasyon ngayon ng 2026 national budget para sa mas transparent na proseso,” ani Speaker Romualdez.

Layunin ng HR No. 94 na kilalanin at aprubahan ang mga lehitimong people’s organizations upang makadalo at maging tagamasid sa lahat ng pampublikong pagdinig na isinasagawa ng House Committee on Appropriations at mga sub-komite nito kaugnay ng deliberasyon sa pambansang badyet.

Inaatasan ng resolusyon ang Committee on Appropriations, na makipagtulungan sa Committee on People’s Participation, upang itakda ang eligibility, proseso ng akreditasyon, at saklaw ng partisipasyon ng mga CSO alinsunod sa House Rules at batas.

Nakabatay ang panukalang hakbang na ito sa 1987 Konstitusyon, partikular sa Seksyon 15 at 16 ng Artikulo XIII, na kumikilala sa karapatan ng mamamayan at ng kanilang mga organisasyon na makilahok sa mga proseso ng pagpapasya at protektahan ang kanilang kolektibong interes. Binanggit din ang Seksyon 3, Kabanata 2, Aklat VI ng Revised Administrative Code, na naglalarawan sa pambansang badyet bilang kasangkapan para sa pambansang kaunlaran.

Binigyang-diin ng mga may-akda na ang mga people’s organizations na kumikilos sa mahahalagang sektor—gaya ng edukasyon, pampublikong kalusugan, social welfare, kalikasan, agrikultura, at lokal na pamahalaan—ay may mahahalagang pananaw at karanasang makatutulong upang maging mas tumutugon at patas ang pagba-budget.

Akma rin ang inisyatibang ito sa itinutulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng maayos na pamamahala sa pondo at estratehikong pag-align ng gastusin ng gobyerno sa mga pambansang prayoridad tulad ng imprastraktura, healthcare, at digitalisasyon.

Matagal nang isinusulong ni Speaker Romualdez ang higit pang transparency sa proseso ng pagba-budget, kabilang na ang pagbubukas ng tradisyonal na closed-door bicameral conference committee sa publiko at media, at ang pagbuwag sa small committee.