Calendar
Aquino hahanap ng pondo para sa nasirang MSU-GenSan
HAHANAP si Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ng pondo para sa repair at rehabilitasyon ng mga nasirang gusali sa Mindanao State University-General Santos dahil sa magnitude 7.8 na lindol noong Hunyo 8.
Bumisita si Aquino sa MSU-GenSan noong Biyernes at nakipagpulong kay Chancellor Shidik Zed Abantas, mga opisyal ng unibersidad at mga estudyante upang alamin ang lawak ng pinsala at pag-usapan ang agarang pangangailangan ng paaralan.
Nauna nang humingi ng tulong si Abantas sa national government matapos tantiyahin na umabot sa P900 milyon ang pinsala sa imprastraktura ng unibersidad.
Posibleng mapagkukunan ng tulong ay ang dati nang aprubadong pondo para sa MSU na aniya ay hindi pa nailalabas ng Commission on Higher Education, ayon sa senador.
“Napag-usapan na rin namin ni Chancellor na meron pa ring utang ang CHED dito sa MSU at dapat naka-pondo na iyo. Dapat bayaran na iyon,” ani Aquino.
Kailangang mabilis na makarating ang tulong ng pamahalaan sa mga lugar na naapektuhan ng lindol, lalo na sa mga komunidad na napinsala ang mga paaralan at pampublikong pasilidad.
“Mahalaga na dumating agad ang tulong. Ang hinahanap ng ating mga kababayan dito ay iyong agarang at mabilisang aksiyon,” sinabi niya.
Naghatid din si Aquino ng relief goods at iba pang ayuda sa mga lokal na pamahalaan at non-government organizations na tumutulong sa relief operations, kabilang ang Angat Buhay Foundation.
Iginiit ni Aquino na dapat mabilis na maaksyunan ang pagkukumpuni ng mga nasirang gusali upang masimulan ng MSU-GenSan ang pagsasaayos ng mga pasilidad nito at masuportahan ang mga estudyanteng naapektuhan ng lindol.
