Asistio

Asistio suportado panukala vs online harassment

Mar Rodriguez Nov 4, 2025
157 Views

SUPORTADO ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio ang inihaing panukalang batas sa Kamara de Representantes na naglalayong mabigyan ng proteksiyon ang mga mamamayan na nakakaranas ng napakatinding harassment sa social media gaya ng bullying.

Ayon kay Asistio, bagama’t umiiral na ang batas laban sa cyber-bullying subalit sa kasamaan palad aniya ay nagpapatuloy at namamayagpag naman sa social media ang online harassment at doxxing (ang paglalantad sa pagkakakilanlan at lahat ng importasyon tungkol sa isang tao) na isa parin uri ng bullying.

Binigyang diin ng kongresista na nakakalungkot na nang dahil sa ganitong maling kalakaran sa social media, may mga tao ang naiisipang magpatiwakal na lamang bunsod ng sobrang kahihiyan natamo nila mula sa mga bashers at haters sa social media katulad ng nangyari sa anak ni TV personality Kim Atienza na si Emman Atienza.

Sinabi ni Asistio na si Emman Atienza ay ilan lamang sa mga biktima ng malupit at hindi makataong bashers at haters sa social media na mas pinilipi pang wakasan na ang kanilang buhay sapagkat hindi na nila makayanan ang pressure mula sa mga mapanirang posts sa social media na bumabalahura sa kanilang pagkatao.

Dahil dito, ipinunto ni Asistio na panahon na para tuldukan ang mga walang habas na pambabalahura, bashing at doxxing sa social media upang papanagutin ang mga taong walang iniisip kundi ang manira at mang-insulto ng kanilang kapwa sa pamamagitan ng mga “bellow-the-belt” social media posts.

“Minsan, sobra ng nakaka-insulto pati buong pagkatao mo eh talagang nilalapastangan na. Hindi na tama ang ganiyan. Kaya dapat lang talaga na magkaroon ng batas laban dito upang mahinto na ang ganitong masamang gawain sa social media,” ani Asistio.

Iginigiit ni Asistio na bilang mambabatas, hindi na nila hihintayin na may panibagong kaso na naman ng “Emman Atienza” ang susulpot dahil hindi na nila makayanan ang matinding harassment na nararanasan nila sa social media, kung kaya’t ngayon pa lamang ay kikilos na ang Kamara laban sa masamang kalakaran sa social media.