Mendoza

Konsultasyon sa dagdag pasahe iniutos ng LTFRB

Jun I Legaspi Nov 4, 2025
488 Views

ALINSUNOD sa direktiba ng Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez na maging maagap sa pagtugon sa mga hinaing ng lahat ng sektor sa transportasyon, magsasagawa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng konsultasyon kaugnay ng mga petisyon para sa dagdag-pasahe na inihain ng iba’t ibang grupo ng transportasyon.

Binigyang-diin ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II na ang lahat ng konsultasyon ay dapat isagawa sa lalong madaling panahon. Inatasan niya ang lahat ng Regional Directors na tiyakin ang pagdalo ng lahat ng kinauukulang sektor.

Sa LTFRB Central Office sa Quezon City, nakatakdang idaos ang pampublikong konsultasyon sa Nobyembre 10 na inaasahang dadaluhan ng iba’t-ibang sektor upang magkaroon ng malawak na palitan ng pananaw hinggil sa mga petisyon.

Ang paglalabas ng board resolution ay bunsod ng pagsusuri sa lahat ng nakabinbing mosyon at petisyon, alinsunod sa utos ni Chairperson Mendoza.

Batay sa resulta, nakatanggap na ang LTFRB ng ilang petisyon mula sa mga operator ng public utility vehicles (PUVs), partikular na mula sa mga public utility buses (PUBs), public utility jeepneys (PUJs), taxi, at iba pang uri ng transportasyon.

Binigyang-diin ni Chairperson Mendoza ang kahalagahan ng inklusibong proseso:

“Hindi puwede na isang panig lang ang marinig sa usaping ito, at lalong hindi puwede na hindi mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng stakeholders na maipahayag ang kanilang opinyon dahil lahat ay magiging apektado ng anumang desisyon sa pagtaas ng pasahe.”

Inatasan din ni Chairperson Mendoza ang lahat ng Regional Directors na isumite sa kanyang tanggapan ang resulta at rekomendasyon mula sa bawat rehiyon hindi lalampas ng Nobyembre 14.

Sa Nobyembre 17, target ng LTFRB na maisumite ang opisyal na posisyon at rekomendasyon nito sa tanggapan ng DOTr Secretary.