Calendar
CYBERBULLYING WAKASAN, ‘WAG NA ULITIN KASO NI EMMAN
SUPORTADO ni Caloocan City 3rd District Rep. Dean Asistio ang inihaing panukalang batas sa Kamara de Representantes na naglalayong mabigyan ng proteksiyon ang mga mamamayan na nakararanas ng napakatinding harassment sa social media gaya ng bullying.
Ayon kay Asistio, ang chairman ng House committee on Metro Manila development, bagama’t umiiral na ang batas laban sa cyberbullying, sa kasamaang palad ay nagpapatuloy sa social media ang online harassment at doxxing ― ang paglalantad sa pagkakakilanlan at lahat ng impormasyon tungkol sa isang tao ― na isa ring uri ng bullying.
Binigyang-diin ng kongresista na nakalulungkot na dahil sa ganitong maling kalakaran sa social media, may mga taong naiisipang magpatiwakal na lamang bunsod ng sobrang kahihiyang natamo nila mula sa bashers at haters sa social media, katulad ng nangyari sa anak ni TV personality Kim Atienza na si Emman Atienza.
Sinabi ni Asistio na si Emman ay ilan lamang sa mga biktima ng malupit at hindi makataong bashers at haters sa social media na mas pinili pang wakasan ang kanilang buhay sapagkat hindi na nila makayanan ang pressure mula sa mga mapanirang posts sa social media na bumabalahura sa kanilang pagkatao.
Ipinunto ni Asistio na panahon na para tuldukan ang mga walang habas na pambabalahura, bashing at doxxing sa social media, upang papanagutin ang mga taong walang iniisip kundi ang manira at mang-insulto ng kanilang kapuwa.
“Minsan, sobra nang nakaka-insulto pati buong pagkatao mo eh talagang nilalapastangan na. Hindi na tama ang ganiyan. Kaya dapat lang talaga na magkaroon ng batas laban dito upang mahinto na ang ganitong masamang gawain sa social media,” ani Asistio.
Iginiit ni Asistio na bilang mambabatas, hindi na nila hihintayin na may panibagong kaso na naman ng “Emman Atienza” na susulpot dahil sa matinding harassment na nararanasan sa social media, kung kaya’t ngayon pa lamang ay kikilos na ang Kamara laban sa masamang kalakaran sa social media.

