LTFRB Source: File photo

Bagyong Ada mapanganib; mga bus ‘wag muna bumyahe sa Sorsogon–LTFRB

Jun I Legaspi Jan 16, 2026
368 Views

NANANAWAGAN sa mga kompanya ng bus at iba pang transportasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na suspendihin muna ang biyahe patungong Sorsogon at mga karatig-lugar dahil sa bagyong Ada.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, pinapayuhan din ang mga pasahero at motorista na ipagpaliban muna ang hindi mahalagang paglalakbay hanggang sa bumuti ang lagay ng panahon o hanggang sa may bagong abiso mula sa mga awtoridad.

“Hinihikayat naming iwasan muna ang biyahe, lalo na yaong patungong Matnog port at iba pang pantalan sa Sorsogon dahil sa masamang lagay ng panahon.

Ang pangunahing layunin natin ay masiguro ang kaligtasan ng mga drayber at pasahero.

Iniiwasan din natin na madagdagan pa ang mga stranded sa mga pantalan at bus terminal kaya nananawagan kami sa ating mga kababayan na ipagpaliban muna ang inyong biyahe papuntang Bicol at Visayas,” sabi ni Atty. Mendoza.

Batay sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) bulletin, ilang lugar sa Bicol, Visayas at Mindanao ang isinailalim na sa signal no. 1.

Inaasahan ang malalakas na hangin at malalakas na ulan sa mga apektadong lugar na lubhang mapanganib para sa biyahe sa lupa at dagat.

Inatasan na rin ni Mendoza ang mga bus operator na huwag lang suspendihin ang kanilang biyahe kundi tugunan din ang pangangailangan ng mga pasaherong nasa terminal o pantalan na.