Calendar
House prosecution counsel at spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr.
Bakit gumamit ng confi funds para sa seguridad kung may 400-kataong sekyu detail na si VP Sara? — prosekusyon
BAKIT ginamit ang confidential funds para sa sinasabing security operations ni Vice President Sara Duterte gayong mayroon na siyang mahigit 400 tauhang nakatalaga para sa kanyang seguridad?
Ibinato ang tanong na ito nitong Huwebes matapos ang testimonya ni Commission on Audit-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) supervising auditor Xylene Mae del Campo tungkol sa mga aktibidad na binanggit upang suportahan ang paggastos ng Office of the Vice President (OVP) ng confidential funds.
Sinabi nitong Huwebes ni Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., House prosecution counsel at spokesperson, na ang seguridad ni Duterte ay responsibilidad na ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG).
“Gaya ng itinuro kahapon, mayroon nang mahigit 400 security personnel na nakatalaga kay Vice President. At ang pangangasiwa sa kanyang seguridad ay mismong tungkulin na ng Vice Presidential Security Group,” ani Tolosa sa isang House press briefing.
Sa cross-examination kay Del Campo noong Miyerkules, nakatuon ang depensa sa mga sinasabing confidential operations na may kinalaman sa surveillance at iba pang security measures na isinagawa kaugnay ng mga pagpunta at aktibidad ni Duterte sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Kinuwestiyon ni Tolosa kung bakit kailangan pa ang confidential funds ng OVP para sa mga aktibidad na may kaugnayan sa seguridad gayong mayroon nang nakatalagang security group si Duterte.
Itinuro naman ni House trial spokesperson at Kabataan Party-list Rep. Renee Louise Co na may sarili nang pondo ang VPSPG na hiwalay sa OVP.
“Sa ganitong antas pa lamang, kailangan nating tanungin kung security matter ba ito, kung OVP ba ang dapat gumastos para sa ganitong bagay, o kung may iba bang ahensiya na dapat gumastos,” ani Co.
Sinabi ni Co na mas malinaw ang usapin tungkol sa mandato pagdating sa Department of Education (DepEd), na nakatanggap ng P112.5 milyon na confidential funds noong Education Secretary pa si Duterte.
Aniya, ang mandato ng DepEd ay maghatid ng de-kalidad at accessible na edukasyon sa mga estudyante, kaya kinuwestiyon niya kung paano nakatulong sa naturang mandato ang mga sinasabing counterinsurgency at counterterrorism operations.
“Paano nakakamit iyon sa paggasta ng supposedly confidential intelligence funds para sa ‘counterinsurgency, counterterrorism operations’? Hindi natin nakikita, hindi malinaw ang koneksyon,” ani Co.
Sinabi ni Co na dapat isaalang-alang ang uri at layunin ng mga sinasabing operasyon kasabay ng iba pang mga iregularidad na lumilitaw mula sa ebidensiya tungkol sa confidential funds.
“Napakabigat na dapat ikonsidera sa ebidensiya ang iba’t ibang set ng mga iregularidad, kabilang na rito ang tanong kung wasto ba ang paggastos at kung angkop ba itong paggastusan gamit ang confidential at intelligence funds,” aniya.
Ayon kay Co, nagiging mas seryoso ang mga tanong habang nananatili itong hindi nasasagot.
“Marami pa iyan. At pabigat nang pabigat kung hindi ito nasasagot. At padami nang padami ang ebidensiyang sumusuporta sa mga iregularidad na ito,” aniya.
Sinusuri sa impeachment trial ang kabuuang P612.5 milyon na confidential funds na nasasangkot kay Duterte. Kabilang dito ang P500 milyon na inilabas para sa OVP mula Disyembre 2022 hanggang Setyembre 2023, at P112.5 milyon na inilabas para sa DepEd noong 2023.

