P347M pinsala sa pananim dulot ng habagat, bagyo

Zaida Delos Reyes Aug 13, 2026
137 Views

UMAKYAT na sa P347.37 milyon ang halaga ng pinsala at lugi sa sektor ng agrikultura dahil sa pananalasa ng habagat at bagyong Luis at Maymay, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Base sa tala ng DA, naapektuhan ang mga sakahan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Western Visayas.

Sa kabuuan, 10,662 ektarya ng agricultural land ang napinsala.

Pinakamalaki ang naitalang pinsala sa palay na umabot sa P242.05 milyon.

Umabot naman sa P73.92 milyon ang pinsala sa high-value crops, kabilang ang mga gulay sa upland at lowland areas, mga pampalasa, legumes, calamansi, papaya, pakwan, saging at root crops.

Nakapagtala rin ng P12.25 milyon na pinsala sa mais at karamihan sa mga naapektuhang pananim ay nasa vegetative at reproductive stages.

Nasira rin ang mga irrigation facility na nagkakahalaga ng P16.07 milyon, habang nasa P2.19 milyon naman ang pinsala sa mga farm structure.

Apektado rin ang mga alagang hayop gaya ng kambing, baboy, baka, kalabaw, free-range chicken, pato, kabayo, at pugo.

Umabot sa P786,250 ang kabuuang pagkalugi.

Sa kabuuan, tinatayang 9,491 metric tons ng agricultural production ang nawala dahil sa habagat at mga bagyo.

Ayon sa DA, nasa 12,161 magsasaka ang naapektuhan batay sa pinakahuling assessment ng ahensya.

Maaaring makatanggap ang mga apektadong magsasaka ng P125.23 milyon halaga ng in-kind assistance kabilang ang mga binhi ng palay, mais, at gulay.

Maaari rin silang makakuha ng pautang na hanggang P25,000 sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) loan program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC).

Mamamahagi ang National Food Authority (NFA) ng 1,007 sako ng milled rice sa mga apektadong local government units sa Ilocos region at Cagayan Valley.