Calendar
Mga SDO susunod na haharap sa witness stand kaugnay ng paggamit ng confi funds
ANG mga pagdinig sa impeachment sa susunod na linggo ay tututok sa testimonya ng dalawang Special Disbursing Officers (SDOs) na inaasahang magpapaliwanag kung saan napunta ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), ayon sa prosekusyon nitong Huwebes.
Kinilala ni Atty. Benjamin Tolosa, Jr., abogado at tagapagsalita ng prosekusyon, ang mga testigo na sina Gina Acosta ng OVP at Mr. Edwar Fajarda ng DepEd. Sila ang may awtoridad at responsibilidad na humawak at magpalabas ng confidential funds alinsunod sa Joint Circular 2015-01.
“Kaya magiging importante ang magiging testimonya na maririnig natin sa kanila para maipaliwanag nila kung saan napunta itong pera na ito,” sabi ni Tolosa.
Sinabi ni Tolosa na ang dalawang SDO ang magiging pangunahing testigo ng prosekusyon sa susunod na yugto ng paglilitis. Inaasahan ding tutukoy at magpapatunay ang mga kinatawan ng Kamara sa mga dokumentong nasa pangangalaga ng kapulungan.
Noong Miyerkules, iniutos ni Presiding Senator-judge Francis Escudero ang pagpapalabas ng subpoena kina Acosta, Fajarda, Marivic Pareja, pinuno ng House of Representatives Legislative Information Bureau, at Lemuel Ortonio, assistant chief of staff ng OVP.
Inilabas ang kautusan matapos itong hilingin ni lead House prosecutor Rep. Gerville Luistro (2nd District, Batangas). Ipinaalam niya sa korte na ihaharap ang mga testigo sa Agosto 17, 18, at 19.
Hinimok ni Tolosa ang publiko na masusing subaybayan ang mga pagdinig habang inihaharap ng prosekusyon ang mga testigo at dokumento, lalo na dahil sa umano’y maling impormasyon at disinformation na kumakalat sa social media.
“Sa mga susunod na testigo, sa darating na linggo, ang iuupo natin ho diyan ay yung dalawang SDOs,” sabi ni Tolosa.
Sinabi ni Rep. Renee Co na makatutulong ang testimonya ng mga SDO upang mabuo ang kabuuang larawan na lumitaw sa mga naunang pagdinig, kung saan nagbangon ang mga testigo at dokumento ng mga tanong tungkol sa mga pangalan, petsa, aktibidad, at mandato na may kaugnayan sa paggastos ng confidential funds.
Aniya, magbibigay ang mga susunod na pagdinig ng pagkakataon sa mga SDO na ipaliwanag ang kanilang mga naging hakbang sa pagpapalabas ng confidential funds na ipinagkatiwala sa kanila.
“At sa puno’t dulo nito, gusto natin ng pananagutan. At hindi po ’yon titigil sa lower-level government employees, pero yung mismong mga opisyal na may awtoridad sa paghawak ng pondong ito ay dapat ding humarap sa proseso,” dagdag niya.
Sinabi ni Co na inaasahan ng prosekusyon na higit pang lilinawin sa susunod na yugto ng paglilitis kung ang mga aktibidad na ipinang-charge sa confidential funds ay naaayon sa mga layuning pinahihintulutan ng umiiral na mga patakaran.
Aniya, nagbangon na rin ng mga tanong ang mga naunang testimonya tungkol sa hindi pagtutugma ng mga mandato ng mga ahensya at ng mga aktibidad na sinasabing pinaglaanan ng confidential funds.
Kabilang dito ang mga surveillance at intelligence operations na umano’y isinagawa para sa OVP at DepEd, sa kabila ng mga tanong kung saklaw ba ng kani-kanilang mandato ang mga naturang aktibidad.
Binanggit din ni Tolosa ang testimonya ng mga saksi mula sa Commission on Audit na nagsabing hindi maaaring gamitin ang confidential funds para sa suweldo ng mga tauhan, kabilang ang security detail ng Vice President.
Ayon kay Co, ang pangunahing layunin ng prosekusyon sa mga susunod na pagdinig ay maitatag ang pananagutan sa paggamit ng pampublikong pondo. Hinimok niya ang mga Pilipino na patuloy na subaybayan ang paglilitis upang sila mismo ang makakita at makarinig ng mga ebidensya at testimonya.
“Sa dulo nito, gusto natin ng pananagutan,” sabi ni Co. “At sa dulo nito, tayo ang makikinabang, tayo ang makapagtitiyak na ang pera na hinahawakan ng mga opisina ay hindi natin nakikita kung saan napupunta.”
