Calendar
Bangka tumaob sa Mapanuepe Lake sa Zambales, 6 patay, 3 nawawala
ANIM ang kumpirmadong patay habang tatlo pa ang nawawala matapos na tumaob ang sinasakyang bangka ng mga ito sa Mapanuepe lake sa San Marcelino, Zambales nitong Huwebes ng hapon.
Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang insidente ay naganap dakong 2:00 ng hapon malapit sa Sunken church sa Barangay Buhawen.
Nakilala ang mga nasawi na sina Elvie Tiglao Pabalan, 33; Joanavie Mae Tiglao Pabalan; Sally Serrano dela Cruz, 29 at kanyang dalawang taong gulang na anak; Evelyn Yurik Lagman, 45- at dalawang-taong gulang na anak na lalaki.
Kabilang naman sa mga nawawala sina Arlene Paanan Liwanag, 26, at dalawang menor de edad na babae at lalaki.
Nakaligtas naman sa insidente sina Julian Pabalan Balario, Margie Paanan Balario, Palito Liwanaq at Rebecca Paanan.
Ayon sa ulat, patungo sana ang mga biktima para kumuha ng gamot at pagkain sa isang health center nang maganap ang insidente.
“The passengers were reportedly members of the Aeta Indigenous Peoples (IP) community from Sitio Lumibao. They had gone to the community health center to receive food and medicine and participate in a vaccination program before traveling back when the incident occurred,” pahayag ng PCG.
Habang naglalayag sa nasabing lawa, naka-engkwentro ang bangka ng malalakas na hanging at alon na naging dahilan ng paglubog nito.
Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang search and rescue operation para mailigtas ang tatlo pang nawawala.
Nagpa-abot narin ng pakikiramay ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pamilya ng mga nasawi.

