Calendar
Kuha ni GIL AMAN
Bangkang kalahok sa Lupi Festival lumubog; mga deboto ligtas
LUMUBOG ang isang bangkang pangisda na kalahok sa fluvial parade para sa Lupi Festival sa Pagsanjan River, Lumban, Laguna, umaga ng Linggo.
Ligtas naman ang mga debotong sakay ng lumubog na motorized banca, habang isinasagawa ang tradisyunal na paligong poon para sa pista ni San Sebastian Martir.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Lumban Municipal Police Station, nangyari ang insidente bago pa ang mismong fluvial procession sa ilog ng imahe ng Poong San Sebastian.
Hindi pa naisasakay ang imahe ng Poong San Sebastian nang sumakay ang mga deboto sa kanilang bangka, subalit dahil sa posibleng overloading ay agad itong tumagilid hanggang sa lumubog sa gitna ng ilog.
Sa insidenteng naganap dakong alas-10 ng umaga sa may river control sa Barangay Primera Parang sa Lumban, tinatayang mga 40 katao na sakay ng bangka ang nahulog sa tubig nang palubog na ang kanilang sinasakyan.
May mga lumangoy papunta sa gilid ng ilog at may mga kumapit sa nakalubog na bangka. Gayunman, nailigtas ang mga deboto ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Philippine Coast Guard at opisyales ng barangay.
Samantala, nagpatuloy ang fluvial parade matapos siguruhin ng mga awtoridad na ang iba pang mga bangka na kalahok sa Lupi Festival ay ligtas.

