Patay

Bangkay ng make-up artist natagpuan sa dalampasigan

447 Views

ISANG bangkay ng lalaki ang natagpuan ng mga batang naglalaro na nakabulagta sa buhangin nitong Lunes, sa dalampasigan sa may Purok 7, Barangay Fabrica, Lobo, Batangas, ayon sa report.

Ang biktima ay kinilalang isang make-up artist at residente ng Brgy. Olo-olo sa Lobo.

Bandang alas-10:30 ng gabi ay nakatanggap ng report ang pulisya ng Lobo mula kay Barangay Captain Michael M. Dueñas ng Brgy. Fabrica, at ipinagbigay-alam na may nakitang lalaking nakabulagta at hinihinalang wala ng buhay sa baybayin ng kanilang barangay.

Agad na nagtungo sa lugar ang mga kapulisan upang magsagawa ng imbestigasyon.

Sa paunang impormasyon, bandang alas-10:25 ng gabi ay nakita umano ng mga batang naglalaro sa nasabing baybayin ang isang lalaking nakahandusay at hindi na gumagalaw sa buhangin at natatakpan ng jacket ang mukha.

Kaagad iniulat ng mga ito ang insidente sa barangay at kapulisan.

Nang suriin ang katawan ng biktima, napansin ang ilang sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, at may malinaw na pinsala mula sa pagtama ng matigas na bagay sa kanyang noo.

Natagpuan din malapit sa biktima ang isang malaking tipak ng bato na may nakikitang bahid ng dugo na pinaghihinalaang ginamit sa pagpalo sa ulo ng biktima.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa insidente.