Calendar
Barbers sa magkapatid na Cayetano: Itama kumakalat na pinutol, inedit na video
HINIMOK nitong Sabado ni House trial spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers ang publiko na panoorin ang buong pagdinig ng Senado sa impeachment sa halip na umasa sa isang viral na video na naglalaman ng mga inedit at pinutol na bahagi ng paglilitis.
Inilabas ni Barbers ang pahayag bilang tugon sa Facebook Reels na ibinahagi ni Senator-Judge Pia Cayetano, na naglalaman ng mga inedit na bahagi ng impeachment proceedings, kabilang ang mga palitan ng pahayag na kinasasangkutan ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano.
“Iginagalang namin ang bawat miyembro ng Senate Impeachment Court, kabilang si Senator-Judge Pia Cayetano, at kinikilala namin na may karapatan ang bawat isa na ipahayag ang kani-kanilang pananaw, lalo na sa mainit na usapin ng impeachment,” ani Barbers sa isang naka-record na video message.
“Gayunman, umaasa rin kami na ang mga talakayan tungkol sa impeachment proceedings ay maipapakita sa paraang nagbibigay sa sambayanang Pilipino ng buo at tamang konteksto.”
Binigyang-diin ni Barbers na dapat panoorin ang impeachment trial sa kabuuan nito.
“Ang impeachment trial ay hindi dapat husgahan batay sa ilang segundo ng video o sa mga putol-putol na bahagi nito. Mas mahalaga na makita ng buong publiko kung ano ang kabuuan ng proceedings upang sila mismo makabuo ng kanilang opinion at patas at tamang pang-unawa dito sa mga videos na ito,” aniya.
Sinabi rin niya na tungkulin ng lahat ng opisyal ng pamahalaan na pangalagaan ang tiwala ng publiko sa mga demokratikong institusyon.
“Bilang mga lingkod-bayan, sama-sama nating responsibilidad na palakasin, hindi pahinain, ang tiwala ng publiko sa ating mga institusyon. Ang pinakamainam na paraan upang magawa ito ay hikayatin ang publiko na panoorin ang buong proceedings sa halip na umasa lamang sa mga piling sipi o bahagi nito,” ani Barbers.
“Kaya nga pinapanawagan namin sa ating mga kababayan na subaybayan po itong impeachment trial na ito dahil dito po natin maiiwasan ang pagkalat ng fake news,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Barbers na ang impeachment proceedings ay higit na mahalaga kaysa sa sinumang indibidwal na kalahok.
“Ang proceedings na ito ay mas malaki kaysa sa sinumang indibidwal. Ito ay tungkol sa pangangalaga sa integridad ng proseso ng impeachment at sa pagtiyak na ang sambayanang Pilipino ay makatatanggap ng patas, kumpleto, at makatotohanang larawan ng mga naganap sa korte,” ani Barbers.
“Kaya kailangan tayo ang magbuo ng ating opinion. Huwag lamang po nating tingnan kung ano ang nakikita natin sa social media. Mahalaga na sa ating pagsubaybay dito ay maiiwasan natin ang pagkalat ng napakaraming fake news, kagaya ng nangyayaring ito kung saan nakikita natin na spliced o minanipula ang video na ipinakita,” dagdag niya.
Ayon kay Barbers, nananatiling nakatuon ang prosekusyon sa paghaharap ng kanilang ebidensiya sa impeachment court.
“Ang aming paninindigan ay manatiling iharap ang ebidensiya sa hukuman at hayaang ang sambayanang Pilipino ang humusga batay sa buong rekord, hindi sa bahagyang bahagi lamang. Iyan ang aming pagsisikapang gawin para sa ating mga kababayan,” ani Barbers.
Nanawagan din siya kina Senator-Judge Pia Cayetano at Senator-Judge Alan Peter Cayetano na linawin ang tunay na nangyari sa oral arguments.
“Nais din naming hilingin kina Senator-Judge Pia Cayetano at Senator-Judge Alan Cayetano na sabihin lamang sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga nakapanood ng spliced video na ito, kung ano ang katotohanan,” ani Barbers.
“Dahil naroon naman po sila noong araw na iyon habang isinasagawa ang oral arguments. Alam nila at malinaw nilang narinig kung ano ang katotohanan na taliwas o hindi kapareho ng video na kumakalat sa ngayon.”
Ipinahayag ni Barbers ang pag-asang, “sa diwa ng pagiging patas,” ay maitutuwid ang naturang video.
“Kaya umaasa ako, sa diwa ng pagiging patas at sa pagpapakita ng kanilang pagiging walang kinikilingan bilang senator-judges, na sana ay mabago at maitama ang videong ito,” ani Barbers.

