Barbers

Mabibigat na ebidensiyang iniharap vs VP Sara ‘burden’ ng defense team — Barbers

Mar Rodriguez Jul 25, 2026
50 Views

NASA panig na ng depensa ang responsibilidad para pasubalian ang mga “kapani-paniwala at matibay” na ebidensiyang inilatag laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa tagapagsalita ng House prosecution panel.

nigyang-diin ni House prosecution panel spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na nalipat na sa defense team ni VP Sara kung paano pabubulaanan ang mga mabibigat na ebidensiyang iniharap laban sa kanilang kliyente.

Sinabi ni Barbers na ang mga inilatag na ebidensya ay kaugnay sa artikulo ng impeachment na nag-aakusa sa Pangalawang Pangulo ng paggawa ng matinding pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“Nag-shift na ngayon ang burden kasi noong una nung nagpresenta ang prosekusyon ay ipinrisinta namin, inilatag natin ang mga ebidensya na sa aming paniniwala ay dapat marinig, makita ng ating mga kababayan.

Eh ngayon naman, ang burden of evidence ay nasa defense panel na. Dapat sila rin ang sumagot, tumugon at i-counter o i-rebut ang ebidensyang ipinakita at inilatag ng prosekusyon,” dagdag ng dating mambabatas.

Ayon naman kay House prosecution spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., sapat na ang mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon upang patunayan ang akusasyon ng grave threats.

Kabilang sa mga ebidensyang iniharap ang mga na-authenticate na recording ng pampublikong pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, ang forensic examination ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga recording at ang opisyal na imbestigasyon ng ahensya kaugnay ng umano’y mga pagbabanta.

Idinagdag ni Tolosa na tumestigo rin si NBI Director Melvin Matibag na bumuo ang NBI ng isang espesyal na task force upang imbestigahan ang kaso, na nananatiling aktibo at nagpapatuloy ang imbestigasyon, at mayroon nang natukoy na mga person of interest.

Matapos isara ng prosekusyon ang presentasyon nito sa artikulo ng grave threats, sinabi ni Tolosa na hindi na sapat ang simpleng pagtanggi ng depensa.

“Hindi na ho sapat ang simpleng denial. Kailangan na nilang sagutin ang authenticated recordings, ang forensic findings, ang official investigation, at ang national security assessment na nasa record na,” ani Tolosa.

Tinapos ng House prosecution ang presentasyon nito sa naturang artikulo noong Miyerkules matapos ang testimonya ni Matibag, na siyang ikatlo at huling testigo ng prosekusyon para sa kasong ito.

Bago si Matibag, iniharap ng prosekusyon sina NBI Senior Agent John Mark Calilung na nagpatunay sa pagiging tunay ng mga recording ng mga pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024, at NBI Regional Director Jeremy Lotoc na tumestigo tungkol sa imbestigasyon ng NBI na nagbunga ng rekomendasyong magsampa ng kasong kriminal laban sa Bise Presidente.

Iginiit ng prosekusyon na ang naturang mga pahayag ay bumubuo ng grave threats at nagpapakita na hindi na angkop si Duterte na manatili sa kanyang posisyon bilang mataas na opisyal ng pamahalaan.