Barbers

Barbers: ₱612.5M confidential funds galing sa bulsa ng mga Pilipino

161 Views

IPINAALALA ni House prosecution adviser Robert Ace Barbers sa mga Pilipino na ang ₱612.5 milyon na confidential funds na kinukuwestiyon sa impeachment case ay nagmula rin sa kanilang sariling bulsa, kaya ang isyu ay higit pa sa isang alitang pulitikal na kinasasangkutan ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Barbers, ang halagang ito ay bahagi ng perang ibinabayad ng ordinaryong Pilipino sa pamamagitan ng buwis, kabilang ang mga tindera sa palengke, mga driver, at maliliit na negosyante.

“Yang P600 million na ’yan, eh contribution ’yan ng ating mga tindera sa kalsada, driver sa jeepney, driver sa tricycle, maliliit na mga negosyante,” ani Barbers noong Miyerkules sa isang online media briefing.

Sinabi niya na ito ang dahilan kung bakit dapat tutukan ng mga Pilipino ang impeachment trial at alamin kung paano ginamit ang pondo ng bayan.

Hinimok ni Barbers ang publiko na panoorin ang mga paglilitis, pakinggan ang mga ebidensiyang inihaharap ng magkabilang panig, at bumuo ng sariling konklusyon sa halip na umasa lamang sa mga pahayag na ginagawa sa labas ng Senate Impeachment Court.

“Dapat subaybayan ng ating mga kababayan itong impeachment trial na ito,” ani Barbers, at idinagdag na dapat makita mismo ng mga Pilipino ang mga ebidensiya at “sila mismo ang nagbubuo ng opinion” tungkol sa mga iniharap.

Para kay Barbers, dapat maging mahalaga ang usaping ito maging sa mga Pilipinong hindi interesado sa pulitika dahil malaki ang halagang sangkot.

Sinabi niya na ang pera ay nagmula sa parehong mga taxpayer na nagsisikap na maitawid ang kanilang pang-araw-araw na gastusin at umaasang gagamitin nang tama ang pondo ng gobyerno.

Binigyang-diin ng prosecution adviser na hindi lamang usapin kung dapat bang manatiling lihim ang confidential activities. Ang pangunahing tanong, aniya, ay kung ang pampublikong pondong inilaan para sa mga naturang aktibidad ay ginamit at na-liquidate alinsunod sa mga itinakdang patakaran.

“Hindi naman puwedeng confidential yung accountability,” ani Barbers.

Ipinaliwanag niya na bagama’t maaaring kailangang manatiling kumpidensiyal ang mga detalye ng lehitimong intelligence at surveillance operations, kailangan pa ring maipaliwanag at maitala ng pamahalaan kung paano ginamit ang pampublikong pondo para sa mga ito.

Sinabi ni Barbers na dapat seryosohin ng mga Pilipino ang usaping ito dahil bawat pisong sangkot ay pera rin ng mga taxpayer.

“At dapat nga, seryoso tayo ngayon sa bawat pisong nakikita,” aniya, kaugnay ng mga alegasyon ng hindi wasto, ilegal at iregular na paggamit at liquidation ng confidential at intelligence funds.

Ayon kay Barbers, binibigyan ng impeachment trial ang publiko ng pagkakataong suriin ang mga ebidensiya at tukuyin kung sapat na naitatag ang mga alegasyon laban kay Duterte.

Binigyang-diin ni Barbers na ang huling hatol ay dapat nakabatay sa mga ebidensiyang iniharap sa Impeachment Court, at hindi sa mga pahayag o alegasyong pulitikal na ginagawa sa labas nito.