Valeriano

Kongresista sa PNP: Umaksyon sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga

Mar Rodriguez Aug 20, 2026
103 Views

HINIHIKAYAT ni Manila Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano ang Philippine National Police (PNP) na kumilos kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University at huwag ituring ang insidente na “isolated incident.”

Unang dapat tukuyin kung sino ang nagmamay-ari ng pistol at rifle na ginamit sa pamamaril at papanagutin ang gun owner na iresponsable sa pag-iingat ng mga armas.

Hinimok din ng kongresista ang PNP na magsagawa ng nationwide firearms safety and compliance drive lalo na sa mga lisensyadong may-ari ng baril na kasama sa bahay ang mga batang nasa edad ng pag-aaral.

Hinimok din ni Valeriano ang mga pulis na umaksyon sa anumang ulat o ebidensiya ng ilegal na pagmamay-ari ng baril, alinsunod sa batas.

Isa pa sa mga panawagan ng beteranong mambabatas ang pansamantalang pagsuspinde sa mga private security guard na nakatalaga sa paaralan gayundin sa security agency na kanilang kinabibilangan.

Iminungkahi nito na pansamantalang palitan ang mga ito ng mga tauhan ng PNP hanggang sa magkaroon ng bagong security agency na mamamahala sa seguridad ng paaralan.

Binigyang-diin ni Valeriano na hindi na dapat ituring na magkakahiwalay na insidente ang karahasan sa mga paaralan.

Dahil dito, hinihikayat din ng Metro Manila solon ang PNP na huwag nang gamitin ang pananaw na isa lamang itong isolated incident, lalo na sa harap ng mga panganib na kinakaharap ng kabataan.

Binigyang-diin din pa ng kongresista na ang insidente ay dapat tugunan bilang usaping pangkapulisan at institutional security at hindi gawing usaping pampulitika.

“This is a police matter, not a political one, nor a situation requiring DepEd confidential funds,” ani Valeriano.