Calendar
Merit scholarship na may allowances, return service isinusulong
ITINUTULAK ni Sen. Joel Villanueva na gawing permanente ang merit scholarship ng pamahalaan sa mga kuwalipikadong estudyante at may kasamang stipends, allowances at iba pang tulong sa pag-aaral kapalit ng return service sa Pilipinas.
Sinabi ni Villanueva, principal sponsor ng Senate Bill No. 2410, na magsasabatas sa kasalukuyang Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program ang proposed Presidential Merit Scholarship Program Act. May 20,000 iskolar ang kasalukuyang programa sa buong bansa.
Sa ilalim ng panukala, maaaring mag-apply ang mga kuwalipikadong nagtapos ng senior high school mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa higher education o Technical and Vocational Education and Training (TVET) diploma track.
Para sa higher education track, kailangang kabilang ang aplikante sa Top 1 percent ng graduating cohort o may general weighted average (GWA) na hindi bababa sa 95 percent. Para naman sa TVET diploma track, kailangan ang GWA na hindi bababa sa 85 percent.
Ang GWA ay weighted average ng mga grado ng isang estudyante.
“Walang lamang kung galing sa public o private school. Kung may galing, sipag at pangarap, dapat may patas na pagkakataon,” sabi ni Villanueva.
Maaaring makatanggap ang mga kuwalipikadong iskolar ng living at transportation stipends, book at internet connectivity allowances, educational assistance at suporta para sa internships, thesis at research requirements at board examinations.
Sasaklawin ng panukala ang priority undergraduate at diploma programs sa mga larangan kabilang ang healthcare, agriculture, science and engineering, education and research, artificial intelligence, cybersecurity at advanced manufacturing.
Iaatas din sa mga iskolar ang return service sa Pilipinas sa pamamagitan ng trabaho, professional practice, research, teaching, community engagement, public service o pagtatrabaho sa mga industriyang nakatutulong sa national development.
Ang return service ay nangangahulugang kailangang gamitin ng mga iskolar sa Pilipinas ang kanilang pinag-aralan o kasanayan sa isa sa mga paraang nakasaad sa panukala.
Patuloy na matatanggap ng mga kasalukuyang iskolar ng Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program ang kanilang mga benepisyo at hindi sila mawawalan o malalagay sa dehado sa paglipat sa permanenteng programa, ayon sa panukala.

