Calendar
Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac
Barko inatake ng rebelde; 17 Pinoy ligtas
LABIMPITONG seafarers at dalawang iba pang miyembro ng crew ng bulk carrier ang ligtas na matapos makatakas sa armadong pag-atake ng pinaghihinalaang Houthi rebels sa Red Sea malapit sa Hodeidah, Yemen noong Hulyo 6, ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.
Sa kanyang ulat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., tiniyak ni Cacdac na ligtas na ang lahat ng Pilipinong marino at kasalukuyang nasa isang hotel sa Djibouti kasama ang kapitan ng barko na Romanian at ang chief engineer na Vietnamese.
Nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan ng kagawaran sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno at sa Licensed Manning Agency (LMA) upang mapa-repatriate ang mga apektadong seafarers, ayon kay Secretary Cacdac.
Tiniyak din ng kalihim na maglalaan ng tulong ang gobyerno ng Pilipinas para sa mga seafarers at pati na sa kanilang mga pamilya.
Ayon sa ulat ng Crewcare, Inc., ang LMA ng barko na Liberian-registered na MV Magic Seas, binagtas ng barko ang karagatan sa layong humigit-kumulang 51 nautical miles timog-kanluran ng Hodeidah nang atakehin ito ng maliliit na bangkang may lulang armadong lalaki.
Napigilan ng security team ng barko, na binubuo ng apat na armadong tauhan, ang pag-atake sa pamamagitan ng pagbalik ng putok. Dahil dito, nakatakas ang crew at kalauna’y nasagip ng dumaraang container ship na Safeen Prism.
“Patuloy naming babantayan ang sitwasyon at ipapaabot sa Pangulo ang mahahalagang updates habang ito’y lumalabas,” dagdag ni Secretary Cacdac.

