Calendar
Barzaga inirekomendang i-delist bilang reservist ng Philippine Army
INIREKOMENDA ng Philippine Army ang pagtanggal kay Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga mula sa hanay ng mga reservist matapos nitong hikayatin sa social media ang mga sundalo at reservist na makiisa sa protesta noong Setyembre 21.
Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, lumabas sa isinagawang imbestigasyon na mabigat na misconduct ang ginawa ni Barzaga matapos nitong sabihin na nawalan na ng tiwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Pangulo.
Paliwanag ni Dema-ala ang desisyon ay ginawa matapos ang masusi at patas na internal investigation.
Tugon aniya ito sa pahayag ni Rep. Barzaga sa social media na tila nagmumungkahi ng pakikiisa ng AFP, PNP, at mga reservist sa protesta.
“Following a thorough and impartial internal investigation, the Philippine Army confirms that Cavite Representative Francisco A. Barzaga is recommended to be delisted from the Reserve Force roster,” pahayag ni Dema-ala.
“The decision is in response to Rep. Barzaga’s speeches and utterances on social media insinuating that the AFP, PNP, and reservists will join the protest on 21 September 2025, declaring the loss of trust in the President by the AFP,” dagdag ng opisyal.
Nilinaw ng Army na ang rekomendasyon ay limitado lamang sa pagiging reservist ni Barzaga at hindi nakaaapekto sa kanyang pagiging halal na opisyal.
Nabatid na lumabag si Barzaga sa GHQ Standard Operating Procedure No. 07 na may kinalaman sa enlistment at delisting ng mga kasapi ng AFP Reserve Force.
Binigyang-diin din ni Dema-ala ang pangakong panatilihin ang pagiging propesyonal at walang kinikilingang posisyon ng mga kasapi ng militar.
Ang rekomendasyon ay ipinasa na sa mas mataas na awtoridad para sa pinal na aksyon.

