Zubiri

Dagdag pasilidad sa paliparan, dagdag kita sa ekonomiya iminungkahi ni Zubiri

175 Views

KARAGDAGANG P1 bilyon para sa ekonomiya.

Ito ang binigyang-diin ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri na kahit isang milyong karagdagang turista na gagastos ng tig-$1,000 ay makapagdadala ng dagdag na $1 bilyon sa ekonomiya. “Not difficult,” aniya, kung makapag-aalok ang Pilipinas ng seamless gateways tulad sa Cambodia, Thailand, o Vietnam.

Binalaan din niya na ang mga panukalang pagbawal sa turboprop planes sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at paglilipat ng domestic routes sa Clark ay maaaring lalong magpahirap sa pagpunta sa mga isla at makasama sa mga komunidad na nakadepende sa turismo. “Pagka-ganun po, I will tell you, next year 2 million na lang ang tourists natin,” aniya. “Kawawa yung mga tourism destinations natin, they will see a decline in tourist arrivals.”

Sa pagdinig ng Senado sa badyet ng Department of Transportation (DOTr), hinimok ni Zubiri ang mga mambabatas na dagdagan ang pondo para sa pagpapagawa at pag-upgrade ng mga paliparan sa Camiguin, Siargao, El Nido, Coron, at Bohol. Aniya, kayang makipagsabayan ng mga ito sa mga kilalang destinasyon sa mundo kung magkakaroon ng direktang akses, mas mahahabang runway, at masinop na whole-of-government approach.

“I already have a budget doon sa Camiguin … we need to add to that or else mapipigil yung project,” sabi ni Zubiri sa Committee on Finance. “With your permission, Chairman, kung makahanap tayo ng budget, magbigay din tayo ng dagdag doon sa Camiguin at dagdagan din natin yung sa airport ng Siargao,” dagdag pa niya, at iginiit na ang mga islang ito “can compete with Tahiti or Mauritius as global tourists magnets.”

Halimbawa ang Camiguin, kung saan kailangang dumaan muna sa Cebu bago makalipad sa isla. Ayon kay Zubiri, nakakadismaya ito sa mga turista na mas gusto ang point-to-point flights gaya sa ibang beach destinations sa Asya. “No tourist will do that. They only want two flights, when they go to Manila and when they go to the destination,” aniya.

“Kaya sana we can build the airports that are already 2,000 meters long ang runways para maka-land yung A320s,” dagdag niya, at ipinaliwanag na mahalaga ang kakayahang tumanggap ng mas malalaking eroplano upang masigurong tuluy-tuloy ang pagdami ng mga turista.

Ibinahagi rin niya ang kanyang karanasan na mas mura pang bumiyahe abroad kaysa magbakasyon sa Siargao, dahil sobrang mahal ng pamasahe at tuluyan. Patunay umano ito na ang kakulangan sa imprastruktura at mataas na presyo ay pumipigil sa pagdami ng turista.

Hinimok niya ang DOTr na tukuyin ang lima hanggang sampung pangunahing destinasyon na hindi pa nakakasunod sa international standards. Kung hindi agad maaayos, aniya, mahihirapan ang Pilipinas na makipagsabayan sa mga kapit-bansa.

“It should be an all-government approach. Do not wait na for the DOT to react… Without the creation of these new airports and the repair (and upgrades) of old airports, wala pong mangyayari sa atin,” aniya.

Bilang patunay na posible ang malalaking proyekto kapag may determinadong suporta sa lehislatura, binanggit niya ang paliparan na kasalukuyang ginagawa sa Barangay Maraymaray, Don Carlos, Bukidnon. Ayon kay Zubiri, siya mismo ang nagsulong ng institutional amendment para masimulan ito at ipagtatanggol hanggang makumpleto. “Yes, Mr. Chairman, low-lying fruit na yan… the President can turn that over… at least during his stint, he’ll have one brand new airport (in mid-2026),” aniya.

Sinabi rin niya na matagal nang binubuo ang proyektong ito at dapat tingnan sa konteksto ng mga naunang institutional amendments, kabilang ang P600-milyong inisyal na pondo na unang ipinasok umano ni Sen. Loren Legarda. “We are just waiting for that good news, Secretary… we really would like to be able to have the President inaugurate that project,” dagdag pa niya.