LTFRB

Batas laban sa pangha-harass sundin–LTFRB sa mga tsuper, operators

Jun I Legaspi Jan 19, 2026
146 Views

NAGPAALALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator at tsuper ng pampublikong sasakyan na sundin ang mga batas laban sa pangha-harass at diskriminasyon sa mga pasahero.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang kapakanan ng mga pasahero ang dapat inuuna sapagkat ito ang pangunahing kondisyon sa prangkisa na tinanggap ng mga operator sa kanilang aplikasyon.

Kung may pang-aabuso o paglabag sa mga kondisyon ng prangkisa, ang LTFRB ang kikilos para sa kapakanan ng mga mananakay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na unahin ang kapakanan ng mga Pilipinong commuter, ayon sa LTFRB chairperson.

Isa sa mga batas na binanggit ay ang Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act (“Bawal Bastos Law”) na nagbabawal sa pangha-harass sa pampublikong lugar, kabilang ang transportasyon.

Binigyang-diin ni Mendoza ang kahalagahan ng pakikipagtulungan ng publiko upang mapanagot ang mga lumalabag na tsuper at operator.

Nagiging malinaw lamang ang mensahe na dapat silang magpakabait kung ang mismong biktima ay pursigidong magsampa ng reklamo, dagdag ng LTFRB chairperson.

“Pinadali na natin ang proseso ng pagrereklamo. Mayroon tayong mga hotline at social media monitoring team na nakatutok sa mga isyung may kinalaman sa pampublikong transportasyon,” paliwanag ni Mendoza.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang kaso ng isang driver ng ride-hailing service na kasalukuyang nahaharap sa kanselasyon ng lisensya at iba pang parusa matapos mang-harass ng babaeng pasahero.