Wanted WANTED – Ang wanted poster ng fugitive businessman na si Charlie “Atong” Ang na inilabas ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ng Enero 19, 2026. Ayon sa CIDG, makikita ang mga poster sa CIDG offices at strategic areas nationwide. Photo mula sa CIDG

17 tipsters nagbigay ng lead kung nasaan si Atong Ang

493 Views

SINABI ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Lunes na nakatanggap na ito ng mga impormasyon hinggil sa posibleng kinaroroonan ng fugitive businessman na si Charlie “Atong” Ang at kasalukuyang bineberipika ang mga ito.

Sa isang panayam, sinabi ni Col. John Guiagui, hepe ng CIDG sa National Capital Region, na may 17 impormante na ang nagpadala ng mensahe sa CIDG hotlines kaugnay ng posibleng lokasyon ni Ang.

“Mayroon nang nagbigay ng mga information at ito ay vina-validate ng aming [Intelligence] Division,” sinabi ni Maj. Helen Dela Cruz, CIDG information chief, sa press briefing sa Camp Crame.

“We have searched more than 10 locations already… We have received more than 10 text messages… that we are validating,” pahayag ni Guiagui.

Bagaman tumanggi siyang tukuyin ang mga iniulat na lugar, sinabi ni Guiagui na karamihan sa mga impormasyong natanggap ay nagmula sa mga lugar sa Central Luzon, Calabarzon at Bicol Region.

Nag-aalok ang pamahalaan ng P10 milyong pabuya para sa impormasyong maghahantong sa pagkaka-aresto kay Ang, ang pangunahing akusado sa pagkawala ng mahigit isang dosenang mahilig sa sabong.

Hindi bababa sa dalawang warrant of arrest ang inilabas laban kay Ang ― isa sa Laguna at isa pa sa Batangas ― kaugnay ng mga kasong kidnapping, kidnapping with homicide, at serious illegal detention.

Naglabas na rin ang CIDG ng wanted poster ni Ang bilang bahagi ng patuloy na pagtugis sa kanya.

Ayon kay Dela Cruz, batay sa Bureau of Immigration, nasa Pilipinas pa rin si Ang, taliwas sa pahayag ng whistleblower na si Julie Patidongan na umalis na umano ng bansa ang nasabing negosyante.

Sa parehong briefing, sinabi ni Firearms and Explosives Office Chief Brig. Gen. Jose Manalad na kinansela na ang mga licenses to own and possess firearms (LTOPF) ng apat na co-accused ni Ang na sina Rogelio Borican Jr., Rodelo Anig-ig, Jezrel Mahilum at Emmanuel Falle.

Kinansela rin ang LTOPF ni Ang noong nakaraang Miyerkules bilang bahagi ng mga hakbang upang siya ay madakip.

Samantala, sinabi ni Brig. Gen. Randulf Tuaño, tagapagsalita ng PNP, na iniutos ni acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na tukuyin ang mga pulis na umano’y kumukupkop o tumutulong kay Ang.

“Based on the information we received, there may be police officers helping him,” ani Tuaño, at idinagdag na maaaring sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang mga sangkot.

Nauna nang sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na apat na retiradong police general ang iniimbestigahan dahil umano sa kanilang ugnayan kay Ang.

Ayon kay Tuaño, iniimbestigahan din ng PNP ang parehong mga indibidwal, bagama’t hindi isinapubliko ang kanilang mga pangalan. Philippine News Agency