Virology

Batas na lumilikha sa Virology Institute of the Philippines ikinatuwa

340 Views

IPINAHAYAG ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang kanyang tuwa sa pagpasa ng Republic Act No. 12290 na lumilikha sa Virology Institute of the Philippines (VIP). Itinuring niya itong mahalagang hakbang upang mapalakas ang kakayahan ng bansa laban sa mga banta sa kalusugan sa hinaharap.

Nilagdaan ang batas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong September 12, 2025, kung saan kabilang sina Senador Alan Peter at Senadora Pia Cayetano sa mga co-author.

Inaatasan ang VIP na magsagawa ng pananaliksik at pag-develop ng mga programa ukol sa mga virus at sakit na maaaring makaapekto sa tao, hayop, at halaman.

Ayon kay Cayetano, ito ay isang mahalagang puhunan para sa kahandaan ng bansa. “The government must act quickly to address public health and economic crises that threaten the lives and livelihood of our kababayan,” aniya. “In the event of emergencies, this will also be a vital tool that can save lives.”

Matagal nang isinusulong ng magkapatid na Cayetano ang pagtatatag ng nasabing institusyon.

Binigyang-diin nila ang pangangailangan ng mas matatag na public health system gamit ang One Health approach, na isinasaalang-alang ang ugnayan ng epekto ng virus sa tao, hayop, at halaman, at tinitiyak na nakabatay sa siyensya ang mga polisiya.

“Science must lead the way. I have seen how science and technology have continually helped the country develop, pero its status as the driver for progress and development has always been a quiet worker,” sabi ni Cayetano.

Batay sa batas, tungkulin ng VIP na bumuo ng bakuna, gumawa ng diagnostic at treatment prototypes, at magsanay ng mga lokal na siyentista upang palakasin ang kakayahan ng bansa. Ilalagay ito sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST), na bubuo ng National Virology Research Agenda. Makikipagtulungan din ito sa Research Institute for Tropical Medicine at iba pang institusyon para sa pananaliksik at pagbabahagi ng resources.

Unang iminungkahi ang VIP noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic upang magkaroon ng modernong pasilidad para sa virus research, paggawa ng bakuna, diagnostic tools, at lunas.

“Strong public health systems depend on science and innovation. With the VIP in place, we are giving our scientists the tools they need to protect our people and secure our nation’s future,” pahayag ni Cayetano.