Bawas presyo sa mga produktong petrolyo

Edd Reyes Aug 11, 2025
450 Views

MATAPOS ang tatlong sunod na linggong pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo, ipatutupad naman ng mga kompanya ng langis ang bawas-presyo ngayong Martes, Agosto 12, 2025.

Sa anunsiyo ng mga kompanyang Petron Corporation, Pilipinas Shell, Seaoil Philippines, at Flying V, P1.50 kada litro ang tapyas sa presyo ng kanilang diesel, P0.40 sentimos sa gasolina, at P1.30 sa kerosina na epektibo alas-6:01 ng Martes ng umaga

Kaparehas na halaga rin ang ipatutupad na tapyas-presyo ng mga kompanyang hindi nagbebenta ng kerosina, tulad ng PTT Philippines, Total Philippines, Unioil Philippines, Petro Gazz, at Phoenix Petroleum, sa kanilang mga produktong gasolina at diesel simula rin ng alas-6 ng umaga ng Martes.

Ayon kay PTT Philippines Media Relation Officer Jay Julian, tumaas ang produksiyon ng langis ng mga miyembro ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) kaya’t bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan na sinusundan at pinagbabatayan ng mga lokal na kompanya ng langis sa bansa. (edd reyes)