Bam

Silid-aralan dagdagan sa mas murang halaga — Bam

344 Views

BINUKSAN ni Senador Paolo Benigno Bam Aquino ang kanyang unang pagdinig bilang bagong chair ng Senate Committee on Basic Education sa matinding panawagan na resolbahin ang classroom backlog sa bansa.

Kasama ang Committees on Local Government at Finance, tinutukan sa pagdinig ang kakulangan ng pasilidad at agwat sa presyo ng paggawa. Giit ni Aquino, mas mura ang classrooms na itinatayo ng lokal na pamahalaan at pribadong sektor na nasa ₱1.5 milyon hanggang ₱2 milyon kumpara sa ₱2.5 milyon hanggang ₱3.8 milyon ng DepEd at DPWH.

“Gusto nating malaman. Nasaan ba talaga ang pagkakaiba?,” binigyang-diin niya, sabay paliwanag na hihingi ang technical working group ng detalyadong breakdown ng materyales at labor para maikumpara. “Hopefully we can move forward and really provide the best value for our students. Kung magagawa natin ito at P1.5 million to P2 million, parang dumoble iyong kaya nating mabuo na classroom.”

Batay sa datos ng DepEd, may kakulangan na 165,000 silid-aralan, ngunit naniniwala si Aquino na mas mababa ito kaysa sa aktwal na bilang. Tinukoy niya ang mga classrooms mula dekada ’60 na hindi naipapagawa, ginamit bilang evacuation centers at naiwan nang sira, at ang 5.1 milyong “aisle learners” na walang upuan.

Ibinulgar din niya ang mga sagabal sa proyekto: lumang regulasyon, isyu sa pagmamay-ari ng lupa, pagkaantala ng pondo, at pamantayang hindi akma sa lokal na kalagayan. “Parang hindi naman tama na may surplus ng condo sa Metro Manila o napakabilis paggawa ng casino noong panahon POGO… pero hanggang ngayon kulang kulang ang classroom sa buong bansa?” tanong ni Aquino.

Babala pa niya, “Kapag hindi natin mahanapan ng solusyon ang backlog ng classrooms… mahigit pa sa limang presidente ang lilipas bago natin mahabol ang kakulangan na ito kung hindi natin ito mamadaliin at talagang bibigyan ng tamang pansin.”

Ang pagdinig ay kaugnay ng Senate Bill No. 121 o Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act, na magbibigay kapangyarihan sa mga kwalipikadong LGU at pribadong sektor na magtayo ng classrooms ayon sa pambansang pamantayan na may pondo mula sa gobyerno. Ipinaliwanag ni Aquino na “sa ilalim ng CAP Law, DepEd would set location-specific cost benchmarks, enabling faster, standardized, and cost-efficient construction.”