Bayanihan Source: PNP

Bayanihan wa gitna ng mga ulan panawagan

213 Views
Bayanihan1
Source: PNP

SA gitna ng tuloy-tuloy na pagbaha at malalakas na pag-ulan na dulot ng Bagyong Crising at pinalakas na habagat, nananawagan ang mga senador sa mas maigting na kahandaan sa sakuna, reporma sa mga batas, at mas maayos na pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at mamamayan.

Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano ang publiko na ipamalas ang diwa ng bayanihan sa pagtugon sa mga kalamidad. Sa kanyang programang “CIA 365 with Kuya Alan,” binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng parehong gobyerno at mamamayan sa panahon ng sakuna. “Ang importante ngayon ay matulungan who are in danger, those who are in evacuation centers, ma-provide for. The areas na tuloy-tuloy ang ulan, mabantayan. Tutok tayong lahat,” aniya.

Pinuri ni Cayetano ang mga frontliner sa kanilang agarang tugon at pinaalalahanan ang mga opisyal na siguraduhin ang maayos na pagdaloy ng tulong. “Ang lesson sa ating mga opisyales, make sure help comes, make sure we’re organized, make sure we’re ready,” dagdag niya.

Kasabay nito, muling inihain ni Cayetano sa ika-20 Kongreso ang panukalang Emergency Response Department (ERD) Act, na layong bumuo ng isang pambansang ahensya na tututok sa disaster risk reduction, emergency coordination, at humanitarian response. Sa ilalim ng panukala, pagsasamahin ang tungkulin ng NDRRMC at Office of Civil Defense.

Nagpanukala rin si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng Disaster and Emergency Act of 2025, na layong itatag ang Department of Disaster and Emergency Management. Magiging saklaw nito ang lahat ng programa sa kahandaan sa sakuna at pag-angkop sa epekto ng climate change.

Bukod dito, naghain siya ng apat na panukalang batas para tugunan ang mga problemang may kaugnayan sa estruktura at kalikasan.

Kabilang dito ang Dam Safety Act na magtatatag ng National Dam Safety Authority para sa pamamahala ng dam operations at early warning systems. May panukala rin siyang Department of Water Resources na mangangasiwa sa water planning, flood control, at irigasyon, sa ilalim ng National Water Resources Management Act.

Inilatag rin ni Pangilinan ang Rainwater Runoff Management and Control Act para sa mas maayos na paggamit ng tubig-ulan, at ang National Land Use Act of 2025 na magsusulong ng geo-hazard mapping upang gabayan ang paggamit ng lupa sa mga delikadong lugar.

“We cannot afford to be reactive when our lives, livelihoods, and infrastructure are at risk,” giit niya.

Samantala, binigyang-diin ni Senadora Loren Legarda ang pangangailangang ipatupad nang mahigpit ang Republic Act 9003, o ang Ecological Solid Waste Management Act. Aniya, ang pagbabara ng basura sa mga estero at kanal ay isa sa pangunahing dahilan ng matinding pagbaha. “Our waterways are clogged with garbage. This is a clear sign of non-compliance with our solid waste law,” saad niya.

Hinikayat niya ang mga barangay na paigtingin ang waste segregation at mga clean-up drive, at nanawagan sa mga lokal at pambansang pamahalaan na ipagpatuloy ang rehabilitasyon ng mga daluyan ng tubig.

Samantala, ipinunto ni Senador Joel Villanueva ang kahalagahan ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensya sa pagtugon sa mga pagbaha. Ayon sa kanya, dapat suriin kung epektibo ba ang mga pondong inilaan para sa flood control projects. “Paulit-ulit nalang po tayong nagsasabi na kinakailangan natin ng isang comprehensive at integrated flood control program,” aniya.

Tinukoy niya ang patuloy na pagbaha sa Bulacan bilang halimbawa, at iminungkahi ang masusing pagsusuri sa mga feasibility study at implementasyon ng proyekto. Idinagdag niya na kailangang gumanap ng mas aktibong papel ang DPWH, DENR, at MMDA sa mga hakbang laban sa pagbaha.

Sa kabuuan, bawat senador ay may dalang panukala na tumutugon sa iba’t ibang aspeto ng disaster management—mula sa institusyonal na reporma, kaligtasan ng imprastruktura, kalinisan ng kapaligiran, hanggang sa aktibong partisipasyon ng publiko