Calendar
Bersamin nilinaw na walang layuing siraan ang Kamara
NILINAW ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Lunes na wala siyang layuning siraan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa inilabas niyang pahayag noong weekend, matapos umanong punahin ng ilang lider ng Kamara ang mga “binagong” bahagi ng panukalang P6.3-trilyong 2026 National Expenditure Program (NEP).
“Wala pong masamang intensyon o layunin na siraan ang House of Representatives,” ani Bersamin sa pagdinig ukol sa panukalang P27.28-bilyong badyet ng Tanggapan ng Pangulo (OP) sa House Committee on Appropriations.
Bilang tugon sa paglilinaw na hiniling ni House Minority Leader Marcelino Libanan, sinabi ni Bersamin na naninindigan ang Gabinete sa kanilang naunang pahayag, ngunit iginiit niyang ito ay ginawa “nang may mabuting hangarin” upang bigyang-diin ang konstitusyonal na paghihiwalay ng kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan.
“Hindi po kami tumatalikod sa sinabi namin. Pero nais po naming bigyang-diin ngayon na ang layunin ng pahayag ay para idiin ang aming institusyonal na pagkakahiwalay sa House of Representatives,” paliwanag niya.
Ayon sa dating Punong Mahistrado, ang pahayag na inilabas sa pamamagitan ng Tanggapan ng Executive Secretary ay “napagkaisahan ng buong Gabinete.”
“Ang layunin nito ay ipakita ang aming konstitusyonal na posisyon at paghihiwalay, at upang makahikayat ng pakikipagtulungan at suporta mula sa House of Representatives,” dagdag niya.
“Wala po kaming layunin na pataasin ang tensyon sa pagitan ng aming mga departamento. Kagaya ng binigyang-diin namin sa pambungad na pahayag, narito kami upang humingi ng inyong suporta para sa aming institusyonal na badyet,” pahayag pa ni Bersamin.
Inaprubahan din ng Appropriations Committee ang panukalang badyet ng Tanggapan ng Pangulo para sa 2026, kung saan kabilang ang P4.5 bilyon para sa confidential at intelligence funds, at P10.783 bilyon para sa pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summits at mga kaugnay na pagpupulong.
Ang paglilinaw ni Bersamin ay kasunod ng kanyang pahayag noong weekend kung saan kinondena niya ang “mga pinipilipit na ulat” ng ilang mambabatas na umano’y ibinabaling sa Ehekutibo ang sisi sa katiwalian at mga pagkukulang.

