House

P27.28B badyet para sa Office of the President inaprubahan ng House panel

219 Views

INAPRUBAHAN ng House Committee on Appropriations nitong Lunes ang panukalang P27.28-bilyong badyet para sa Office of the President (OP) para sa taong 2026, bilang bahagi ng parliamentary courtesy o paggalang sa isang kapantay na sangay ng gobyerno.

Pinamunuan ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing ang pagdinig, kung saan bumoto ang 56 na miyembro ng komite pabor sa pagwawakas ng deliberasyon, habang lima naman ang tumutol. Ang hakbang ay isinulong nina Deputy Speaker Faustino Dy III at Minority Leader Marcelino Libanan.

Ayon kay Dy, “Mr. Chair, sa panig ng mayorya at bilang pagtalima sa matagal nang tradisyon ng pagbibigay ng institutional courtesy sa OP, ay aking inihahain ang mosyon na tapusin na ang deliberasyon sa panukalang badyet ng OP, nang hindi isinasantabi ang konstitusyunal na kapangyarihan ng Kongreso na rebisahin, amyendahan, o tanggihan ang alinmang probisyon sa General Appropriations Bill.”

Sinang-ayunan ito ni Libanan, na iginiit din na maaaring magtanong ang tatlong miyembro ng Kamara matapos maaprubahan ang mosyon.

Gayunman, tumutol si ACT Teachers Rep. Antonio Tiñio, na iginiit na hindi ito ang tamang panahon para sa parliamentary courtesy, kundi para sa ganap na transparency o pagiging bukas sa proseso ng pag-aapruba ng badyet—lalo na para sa tanggapan ng Pangulo.

“Sinimulan po ng Presidente sa kanyang SONA—ang sabi niya, ang paglaban sa korapsyon at pagreporma sa proseso ng budget. Nagbanta pa nga siya na handa daw siyang magkaroon ng reenacted budget kung hindi babaguhin ang proseso ng pagba-budget,” ani Tiñio.

“Bakit ngayon ay pinipigilan natin ang masusing pagsusuri sa buong badyet ng OP? Napakarami pong tanong na kailangang sagutin ng OP mismo,” dagdag pa niya.

Dahil sa pagtutol, ipinatawag ni Committee senior vice chair at Bataan Rep. Albert Garcia, na siyang namuno sa pagdinig, ang botohan upang maipagpatuloy ang proseso.

Sa kanyang pambungad na pahayag, ipinagtanggol ni Suansing ang badyet ng OP.

“Mahalagang bigyang-diin na ang mga programa at aktibidad ng OP ay mahalaga upang matiyak ang epektibong pamumuno at maayos na pagpapatupad ng pinakamataas na tungkulin ng pamahalaan,” wika ni Suansing.

Ipinrisinta ang panukalang badyet ng Executive Secretary na si Lucas Bersamin bilang kinatawan ng Office of the President.