Estonian

BI inaresto, sisipain sa PH Estonian vlogger dahil sa parehong asal ni Vitaly

206 Views

INARESTO at ipapadeport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Estonian vlogger, matapos ipahayag na hindi na papayagan ng Pilipinas ang mga banyagang content creator na nanghaharass ng mga lokal, nagdudulot ng kaguluhan, at ginagawang viral na palabas ang mga komunidad ng Pilipino.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, kahalintulad ito ng kontrobersyal na deportasyon ng Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy, na nagpapakita ng paulit-ulit na pattern ng mga banyagang vlogger na inaabuso ang pagiging bukas ng bansa para sa shock content at online fame. Ang pag-aresto, ani Viado, ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na tiyakin na ang mga dayuhan na lumalabag sa batas ng Pilipinas ay haharap sa kaukulang parusa.

“Isa na namang Vitaly case ito — ibang tao, parehong asal,” ani Viado. “May banyagang vlogger na pumapasok dito, nilalapastangan ang mga Pilipino, nilalabag ang ating batas, at iniisip na kaya niyang magtago sa likod ng kamera at social media following. Dito na nagtatapos ‘yan,” mariing pahayag niya.

Sinabi ni Viado na kumilos ang mga awtoridad matapos ideklarang persona non grata ng mga lokal na opisyal sa Negros Oriental ang naturang vlogger, dahil sa mga reklamo ng pangha-harass, walang pahintulot na pagkuha ng video, mga mapang-insultong pahayag, at online content na bumabastos sa mga Pilipino.

Ang resolusyon ng konseho ng lungsod ay inendorso sa mga pambansang ahensya, na nagbunsod ng enforcement action at pag-aresto sa dayuhan.

Ang Estonian vlogger na kinilalang si Siim Roosipuu, 34, ay inaresto ng mga operatiba ng BI Intelligence Division at anti-terrorist group noong Enero 15, sa koordinasyon ng Philippine National Police (PNP) Dumaguete City Police Station at mga opisyal ng Barangay Cantil-e.

Si Roosipuu ay nagpapatakbo ng YouTube channel na tinatawag na Pro Life Traveler, at umano’y nangha-harass ng mga Pilipino, kabilang ang mga menor de edad. Kumalat sa social media ang mga video kung saan siya ay humahabol at nagtatanong ng mga hindi angkop na katanungan sa mga kabataang babae.

“Hindi laruan ng content ang Pilipinas,” ani Viado. “Tinatanggap natin ang mga turista at lehitimong creator, ngunit sinumang mananamantala sa ating mga mamamayan para sa views, clicks, o kita ay haharap sa pag-aresto, deportasyon, at pag-blacklist.”

Binigyang-diin ng BI na ang pangha-harass, pampublikong istorbo, at kawalang-galang — kahit pa para sa entertainment o monetized online content — ay seryosong paglabag na hindi palalampasin sa ngalan ng vlogging.

Nagbabala si Viado na ang mga dayuhan na susubok sa pasensiya ng Pilipinong pakikitungo ay dapat asahan ang kaukulang kaparusahan.

“Kung pupunta ka rito para mang-provoka, mang-insulto, o manghamak ng Pilipino, maikli ang iyong pananatili at tiyak na permanente ang iyong pag-alis,” ani Viado.