Discaya Pacifico “Curlee” Discaya

Discaya tinanggi paratang na naging ‘front’ ni Romualdez sa pagbili ng property sa Makati

164 Views

MARIING itinanggi ng kontratistang si Pacifico “Curlee” Discaya nitong Sabado ang mga paratang na siya umano ang nagsilbing “front” para kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa sinasabing pagbili ng isang high-end na ari-arian sa isang eksklusibong lugar sa Makati City.

Ikinadismaya ni Discaya ang mga ulat na idinadawit si Romualdez sa kontrobersiya gamit ang kanyang pangalan, at sinabing minsan lamang niya nakita nang personal ang dating lider ng Kamara sa isang okasyon at hindi pa sila kailanman nagkausap.

“That is not true! I have only seen the former Speaker in person once, and we didn’t even talk because he was talking to someone else,” sinabi ni Discaya kay Neil Alcober ng Daily Tribune.

Nauna nang itinanggi ni Romualdez ang mga ulat na nag-uugnay sa kanya sa umano’y pagbili ng ari-arian gamit ang pamilya Discaya bilang “front,” kung saan iginiit ng kanyang abogado at tagapagsalita na si Atty. Ade Fajardo na wala siyang kaalaman o kinalaman sa naturang transaksyon at tinawag ang paratang na walang basehan.

Sinabi ni Discaya, na kasalukuyang nakadetine sa Senado dahil sa umano’y kaugnayan sa kontrobersiya sa flood control projects, na handa pa siyang akuin ang nasabing bahay sa Makati kung iyon ang gusto ng kanyang mga kritiko ― kahit hindi ito totoo.

Ayon sa kanya, makatutulong ito upang maisama ang nasabing ari-arian sa listahan ng mga asset na sinusuri ng Anti-Money Laundering Council, at iginiit na wala siyang itinatago at pinalalaki lamang ang akusasyon kahit wala namang sapat na ebidensiya.

“Even if my lawyers do not agree with restitution, I will personally allow the property in Makati to be used for restitution to return it to the public,” aniya.

“I am certain it will be the largest restitution even if you combine those of DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, former DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara, former DPWH Regional Director Gerard Opulencia, and contractor Sally Santos, because I am sure the properties in that Makati village are worth multi-billions,” dagdag ni Discaya.

Ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na nakatanggap siya ng impormasyon na nagsasabing ginamit umano ni Romualdez ang pamilya Discaya bilang mga tagapamagitan sa pagbili ng isang bahay sa loob ng isang eksklusibong subdivision sa Makati.

Sinabi ni Lacson na nakatakda siyang makipagpulong sa dating may-ari ng nasabing ari-arian bago ang pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Lunes, Enero 19, habang mas pinalalalim pa ng panel ang imbestigasyon sa kontrobersiya.