Acidre Tingog Party-list Rep. Jude A. Acidre, Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong

Mga lider ng Kamara inaasahang pagbibigyan ng SC MR sa impeachment ni VP Sara

182 Views

Batay sa katiyakan ng Senado na kikilos agad

UMAASA ang mga lider ng Kamara de Representantes na pagbibigyan ng Supreme Court (SC) ang motion for reconsideration (MR) na inihain ng Kamara kaugnay ng kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, batay sa katiyakan ng Senado na kikilos ito “kaagad” o forthwith kapag pinayagang magpatuloy muli ang mga proseso.

“Kaugnay ng motion for reconsideration, nasa Korte Suprema pa po ito at hinihintay namin ang aksiyon ng Korte Suprema. Kaya kung sakaling maalis ito o mabigyan ng due course ang motion for reconsideration, inaasahan naming magpapatuloy ang proseso kung saan ito nagsimula at kung saan ito nagtapos,” pahayag ni Tingog Party-list Rep. Jude A. Acidre, ang House committee on higher and technical education chairman, sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City noong Sabado.

Ang pahayag ay kasunod ng naunang pangako ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na kikilos ang Senado kaagad sa anumang kasong impeachment na ihaharap sa kapulungan ― isang katiyakang itinuturing na mahalaga ng mga lider ng Kamara habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema sa nakabinbing MR.

Kasabay nito, kumikilos ang Kamara upang magpatibay ng mga bagong tuntunin sa impeachment para sa ika-20 Kongreso na nakaayon sa pinakahuling jurisprudence ng SC.

Ayon sa mga lider ng Kamara, layunin nitong matiyak na ang anumang magiging kaso laban kay VP Duterte sa hinaharap ay walang bahid ng procedural na depekto at nakabatay sa malinaw na mga alituntunin.

“Kapag naaprubahan na namin ang mga tuntunin ― dahil hindi pa namin naaprubahan ang mga tuntunin sa impeachment para sa ika-20 Kongreso ― ang mga ito ay higit na kikilala sa direksiyong itinakda na ng Korte Suprema at ng pinakahuli nitong jurisprudence. Gayunman, hindi ito para pangunahan kung ano ang magiging pinal na resolusyon sa nakabinbing motion for reconsideration,” sabi ni Acidre.

“At sigurado ako na kapag maayos ang mga proseso at may mas malinaw na pag-unawa ang Kamara at mas malinaw na mga gabay mula sa jurisprudence ng Korte Suprema, sa tingin ko ay hindi nito maaapektuhan ang pinal na resulta, na tiyaking mayroon tayong matibay na reklamong impeachment sakaling may ihain sa Kamara,” dagdag niya.

Ang pagtutulak ng liderato ng Kamara na muling isulat at higpitan ang mga tuntunin sa impeachment ay kasunod ng pagtukoy ng Korte Suprema sa mahahalagang isyung procedural sa nakaraang pagtatangka sa impeachment ― isang desisyong humubog sa inaasahang kilos ng kapulungan sa mga reklamong impeachment.

Naghain ang Kamara ng nakabinbing MR na kumukuwestiyon sa desisyon ng SC.

Sumang-ayon kay Acidre ang chairman ng House committee on suffrage and electoral reforms na si Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na ang desisyon ng SC ay tumalakay lamang sa teknikalidad ng proseso at hindi sa mismong nilalaman o merito ng reklamong impeachment laban kay VP Duterte.

Tinuligsa rin ni Adiong ang ideya na binaligtad ng desisyon ng SC ang nilalaman ng reklamo, iginiit na nakatuon ang pasya sa teknikal na proseso at hindi sa mga paratang at batayang katotohanan.

“Pero linawin ko lang na ang petisyon ― ibig kong sabihin, ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng impeachment ― ay mas tungkol sa teknikalidad at hindi sa merito ng kasong aming inihain,” sabi ni Adiong.

Ayon kay Acidre, batay sa inilatag ng SC sa naunang desisyon nito sa impeachment laban kay VP Duterte, dapat ding bumuo ang Kamara ng mas matitibay na tuntunin sa impeachment.

“Nang hindi isinusuko ang nakabinbing motion for reconsideration, kailangan naming bumuo ng mga tuntuning ‘Supreme Court-proof’ at sa paraang kumikilala sa mga indikasyong inilatag sa pinakahuling pasya hinggil sa ikatlong paraan,” ani Acidre.

Sinabi ni Adiong na kailangang maging maingat ang Kamara sa mga tanong tungkol sa paghahain at timing dahil hindi pa muling nagbubukas ang sesyon ng Kongreso at wala pang bagong reklamong nakahain sa kapulungan.

“Ang maipapangako ko sa inyo, tama nga, kung tatanungin ninyo ako, dahil lahat ito ay mga hipotetikal na tanong sapagkat una, hindi pa nagko-convene ang Kongreso, hindi pa nagre-resume ang Kongreso, at hindi pa ito napag-uusapan at wala pang impeachment na naihahain. Kaya lahat ng ito ay hipotetikal,” sabi ni Adiong.

Aniya, sa huli ay gagawa ang Kamara ng mga tuntuning susunod sa anumang pinal na tindig na aampunin ng Korte Suprema, lalo na kung hindi pagbibigyan ang MR, na gagawing pamantayan ang desisyon ng mataas na hukuman para sa susunod na Kongreso.

“Ngunit ang maipapangako namin sa inyo ay kung magkakaroon man ng pag-aampon ng mga bagong tuntunin na sasaklaw sa mga proseso at pamamaraan ng impeachment, ito ay magiging alinsunod sa mga itinakdang patakaran,” sabi ni Adiong.