BI

BI nagbabala sa mga pekeng trabaho, investment na inaalok online

Jun I Legaspi Jan 2, 2026
170 Views

NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko kasunod ng repatriation ng ilang Pilipino na biktima ng mga organisadong scam operations sa ibang bansa.

Pinakahuli sa mga repatriation ang walong Pilipino na naibalik sa Pilipinas matapos ma-traffic sa ibang bansa noong Disyembre 31.

Ang mga biktima ay naloko sa pamamagitan ng online recruitment at mga alok sa social media, ngunit napilitang gumawa ng mga mapanlinlang na gawain pagdating sa ibang bansa.

Dumating ang mga biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng Air Asia mula Cambodia, via Malaysia.

Lumitaw ang bagong modus kung saan ang mga Pilipinong biktima ay pinipilit na makilahok sa mga stock market-related scams.

Inuutusan silang manghikayat ng kapwa Pilipino na mag-invest sa mga diumano’y stock trading platforms o pseudo investment accounts na mukhang lehitimo ngunit kontrolado ng mga kriminal na sindikato.

Nakaranas ng pisikal at sikolohikal na pang-aabuso, kabilang ang torture, pananakot, at pagkakait upang mapilitang sumunod ang mga biktima na hindi susunod.

Dumating din ang ikalawang batch ng 19 repatriates sa NAIA Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines mula Cambodia.

“Ang mga kriminal na grupong ito ay walang habag. Niloloko nila ang mga Pilipino sa pangakong mataas na sahod at madaling pera, ngunit inaabuso sila kapag nahulog na sa bitag,” sabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Hinimok ni Viado ang mga Pilipino na maging mapagmatyag, lalo na laban sa mga hindi hinihinging job offers at investment opportunities na kumakalat online, at tiyaking beripikado ang overseas employment at investment schemes sa tamang ahensya ng pamahalaan.