Jinggoy

Jinggoy naghain ng panukalang 50% bawas sa OFW remittance fees, tax deduction sa service providers

234 Views

NAGHAIN si Senator Jose “Jinggoy” Estrada ng panukalang batas na naglalayong bawasan ng 50 porsiyento ang remittance fees na sinisingil sa mga overseas Filipino workers (OFWs), upang mabawasan ang gastos sa pagpapadala ng pera at masiguro na mas malaking bahagi ng kanilang kita ang napupunta sa kanilang mga pamilya.

Sa ilalim ng panukala, maaaring i-claim bilang tax deduction sa operational costs ang halagang katumbas ng 50 porsiyentong diskwento ng mga bangko at non-bank financial intermediaries na magpapatupad ng bawas sa remittance fees.

“This is a win-win situation for our OFWs and their families, as well as for banks and remittance centers,” ani Estrada. “Kapalit ng bawat oras na nawawalay ang ating mga OFWs sa kanilang pamilya ay panahong hindi na maibabalik at mga sakripisyong hindi matutumbasan ng anumang dolyar. Kaya nararapat lamang na masiguro ng ating batas na napoprotektahan at napapakinabangan ang kanilang kita — kita na bumubuhay din sa ating ekonomiya.”

Ayon sa senador, layon ng panukala na maprotektahan ang remittances laban sa labis o hindi makatarungang singil. “The least we can do is make sure that every peso sent home reaches their loved ones with its full value intact, and not eaten up by excessive or unfair charges,” dagdag niya, kaugnay ng Senate Bill No. 1074, o ang panukalang “Overseas Filipino Workers (OFWs) Remittance Protection Act.”

Sa paghahain ng panukala, binanggit ni Estrada ang datos na umabot sa record na $38.34 bilyon ang OFW remittances noong 2024, o 3 porsiyentong mas mataas kumpara noong 2023. Ayon sa kanya, katumbas ito ng 8.3 porsiyento ng gross domestic product at 7.4 porsiyento ng gross national income ng bansa.

Itinatakda rin ng panukala ang malinaw na pagpo-post ng peso-equivalent exchange rates sa mga remittance centers upang maiwasan ang mga nakatagong singil. Mahigpit ding ipinagbabawal ang misappropriation ng pondo, hindi awtorisadong bawas, labis na singil, at anumang pagtaas ng bayarin nang walang paunang konsultasyon sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.

Ang mga lalabag ay maaaring parusahan ng hanggang anim na taong pagkakakulong, multa mula P50,000 hanggang P750,000, at iba pang parusa sa ilalim ng umiiral na mga batas sa pagbabangko. Maaari ring mapatawan ng parusa ang mga institusyong tatanggi sa pagtanggap ng remittances.

Bukod sa regulasyon sa bayarin, inaatasan ng panukala ang Department of Migrant Workers, katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration, Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Finance, at iba pang ahensya, na magpatupad ng libre at mandatoryong financial literacy programs para sa mga OFW at kanilang pamilya.

Sasaklawin ng mga programang ito ang pagbabadyet, pag-iimpok, pamumuhunan, pautang, proteksyon sa konsyumer, at pag-iwas sa mga scam at online fraud. Isasama ang financial education sa Pre-Departure Orientation Seminars, Post-Arrival Training Seminars, at sa mga online platform na maaaring ma-access ng mga pamilya ng OFW sa buong bansa.

“OFWs are not just remitters — they are breadwinners, parents, and pillars of our economy,” ani Estrada. “Protecting their money is protecting their families’ future.