Magsino

Ex-party list solon sa OFWs: Mag-ingat sa fake account ng DMW

Mar Rodriguez Jan 9, 2026
328 Views

PINAALALAHANAN ni dating OFW Party List Rep. Marissa Magsino ang publiko partikular ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na mag-ingat tungkol sa fake account ng Department of Migrant Workers (DMW).

Ayon kay Magsino, hindi tumitigil ang iba’t-ibang modus-operandi ng mga sindikato para lamang makahanap ng mabibiktima lalo na ang mga OFWs at Filipino seafarers.

Sinabi ng dating mambabatas na lagi na lamang ang mga OFWs, Pinoy seafarers at iba pang Filipino Migrant workers ang pinupuntirya ng mga sindikato gayong sakto lamang o kulang pa ang kanilang kinikita sa abroad.

Hindi limpak-limpak ang kinikita ng mga OFWs at Filipino seafarers sa ibayong dagat sapagkat nagkakasya lamang ang ito para tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya dito sa Pilipinas, ayon kay Magsino.

Pinayuhan ng dating kongresista ang mga mamamayan na kung nais nilang makipag-ugnayan sa pamahalaan sa pamamagitan ng DMW dapat tiyakin nila na ang kanilang nilalapitan ay ang lehitimo at berepikadong channels.