Calendar
BI pinuri kulong,multa sa gumamit ng fake travel docs
IPINURI ng Bureau of Immigration (BI) ang paghatol sa isang Pilipinong sangkot sa scam hub na nahuli habang nagtangkang umalis ng bansa.
Guilty ang hatol ng Metropolitan Trial Court ng Pasay City, Branch 44 kay alias Klein, 29, sa kasong paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code (Paggamit ng Pekeng Dokumento).
Hinatulan ni Presiding Judge Kirk M. Aniñon ang akusado ng dalawang buwang pagkakakulong at multang P1,000 na may kapalit na subsidiary imprisonment kung hindi mababayaran.
Ayon sa BI, naganap ang insidente noong Enero 17, 2025, nang tangkain ng akusado na sumakay ng eroplano patungong Bangkok, Thailand.
Sa inspeksiyon, natuklasan ng mga opisyal ng BI na may pekeng departure stamp ang kanyang pasaporte.
Nang tanungin, inamin ng pasahero na siya ay na-recruit upang magtrabaho sa isang call center sa ibang bansa.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang desisyon ng korte, at binigyang-diin na ang hatol ay nagbibigay ng malinaw na mensahe laban sa pamemeke ng mga dokumento sa paglalakbay at sa pagtatangkang iwasan ang tamang proseso ng imigrasyon.
“Bagama’t may ilan na nagsasabing sila ay biktima ng mga recruitment scheme, ang sinumang sadyang gumagamit ng pekeng tatak ng imigrasyon ay mananagot pa rin sa ilalim ng batas,” ani Viado.

