DLSU

DLSU nagtayo ng KIST Park para sa industriya, akademya

Arlene Rivera Nov 6, 2025
227 Views

NAGPASIYA ang De La Salle University (DLSU) na paigtingin ang kolaborasyon sa pagitan ng industriya at akademya sa paglulunsad ng Innovation Hub—ang unang Knowledge, Innovation, Science, and Technology (KIST) Park Ecozone na pinamumunuan ng isang pribadong higher education institute.

Ang KIST Park Ecozone ay matatagpuan sa DLSU Science and Technology Complex sa Biñan, Laguna at pormal na kinilala sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 985 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa pangunguna ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato U. Solidum Jr., pinagtibay ang KIST Park Ecozone batay sa DOST-PEZA Joint Memorandum Circular No. 2023-001 na layuning pag-ibayuhin ang ugnayan ng akademya, industriya, pamahalaan at lipunan.

Para kay Brother Bernard S. Oca FSC, pangulo ng DLSU, ang Innovation Hub ay “nagpapasigla ng inobasyon na pinangungunahan ng gawaing pang-ekonomiya na nagbibigay-kapangyarihan sa mga siyentipiko, inhinyero, negosyante, guro at mag-aaral upang magkatuwang na lumikha ng mga solusyon sa pinakamahalagang hamon ng ating panahon.”

Ang naturang Innovation Hub ay makakasama ng mga pasilidadpara sa advanced biotech systems, biomedical technologies, genomics, bioinstrumentation, at translational health sciences.

Naglalaman din ito ng startup incubators, R&D laboratories, at innovation spaces para sa kaalaman, komersyalisasyon, at sustainable development.

Ang DLSU KIST Park Ecozone ay pangalawa sa bansa pagkatapos ng paglulunsad nito sa Batangas State University.

“Ang bawat inobasyon ay nagsisimula sa imahinasyon, ang bawat transformation ay nagsisimula sa edukasyon, at ang bawat milestone ay nagsisimula sa pakikipag-ugnayan,” sabi ni Rowena Naguit, group manager ng PEZA.