Hazing Source: File photo

‘Biktima ng hazing’ dinalang walang malay sa ospital, namatay

Gil Aman Mar 2, 2026
283 Views

PINANINIWALAANG namatay sa bugbog o hazing ang hindi kilalang lalaki na walang malay nang dalhin ng tatlong tao sa General Trias Medical Hospital noong Linggo.

Hindi pa nakikilala ang nasawing biktima na halos hindi makagulapay ang buong katawan ng dalhin ng tatlong hindi kilalang lalaki sakay ng kotse bandang alas-2:00 ng hapon.

Nagresponde ang mga pulis sa ospital kung saan nadatnan ang biktima na halos hindi na gumagalaw.

Sa unang imbestigasyon ang biktima ibinaba sa ospital ng tatlong hindi kilalang lalaki sakay ng isang Mitsubishi Mirage na may plate number NAV 9849.

Unang ipinaliwanag sa staff ng ospital na na hit-and-run ang biktima at walang anumang iniwan na iba pang detalye ang nagdala sa lalaki sa ospital.

Dali-daling umalis ang tatlo at natuklasan ng attending physician na ang biktima maraming pasa dahil sa bugbog sa pigi at iba pang bahagi ng katawan.

Ayon sa manggagamot, biktima ng hazing ang lalaki ng hindi pa batid na fraternity.

Dakong alas-3:35 ng hapon ng ideklarang wala ng buhay ang biktima.