Calendar
Bilyong piso ‘dumaan lang’ sa account binusisi ni Tulfo
BINUSISI ni Senator-Judge Raffy Tulfo kung maituturing na unexplained wealth ang bilyun-bilyong pisong pumasok at lumabas sa account ng isang opisyal ngunit hindi idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) dahil nga “dumaan lang” naman umano ang pera.
Iniharap ni Tulfo ang hypothetical na sitwasyon matapos payagan ng Senate impeachment court si retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na tumestigo para sa Article II ng impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Tinanong ni Tulfo kung paano ituturing ang perang umabot sa bilyun-bilyong piso sa account ng isang opisyal ngunit hindi isinama sa SALN dahil “pinark lang” umano o hindi talaga pag-aari ng account holder.
Ayon kay Cabotaje-Tang, ang perang nasa account at nakapangalan sa opisyal ay kailangang ideklara kung bahagi pa ito ng kanyang assets sa petsang sakop ng SALN.
“Hindi naman nangangahulugan na pag may omission doon sa SALN, kaagad sasabihin na there is unexplained wealth,” ani Cabotaje-Tang.
Sa tanong ni Tulfo tungkol sa paulit-ulit na hindi pagdedeklara, sinabi ni Cabotaje-Tang na kailangang alamin batay sa mga ebidensya kung honest mistake lamang ito o sinadyang pagtatago.
Tinanong din ni Tulfo kung paano ituturing ang mga ari-ariang sinasabing pag-aari ng asawa ng opisyal kahit walang prenuptial agreement.
Ayon kay Cabotaje-Tang, pinapayagan sa ilalim ng Republic Act No. 1379 ang opisyal na magpaliwanag.
Kalaunan ay itinama ni Cabotaje-Tang ang una niyang pahayag tungkol sa petsang pagbabatayan sa pagdedeklara ng pera sa account.
Nilinaw sa pagtatanong ng isang senator-judge na ang SALN ay naglalarawan ng financial position ng opisyal pagsapit ng Disyembre 31, samantalang Abril 30 ang deadline ng paghahain nito.
“I stand corrected,” tugon ni Cabotaje-Tang.
Sinabi niyang kung pumasok at lumabas ang pera noong Oktubre o Nobyembre at wala na ito sa account pagsapit ng Disyembre 31, hindi na iyon kailangang ideklara bilang year-end asset sa SALN na ihahain sa Abril.
Gayunman, maaari pa ring siyasatin ang galaw ng pera sa pamamagitan ng bank records at impormasyon mula sa Anti-Money Laundering Council, aniya.
Tinanong naman ni Senator-Judge JV Ejercito kung kailangang nakuha habang nanunungkulan ang kuwestiyonableng ari-arian bago pumasok ang legal na presumption ng unexplained wealth.
Sumagot si Cabotaje-Tang na isa sa mga rekisito ay ang pagkakaroon ng ari-ariang lubhang hindi tugma sa legal na kita habang nanunungkulan ang opisyal. Ang ari-ariang nakuha bago manungkulan ay hindi awtomatikong sakop ng parehong presumption, aniya.
Kinuwestiyon ni Senator-Judge Imee Marcos kung bakit kailangan ang testigo gayong hindi ito nagpapatunay ng partikular na dokumento o tutukoy sa mga fakta ng kaso.
Ipinaliwanag ni House Prosecutor Cong. Chel Diokno na iniharap si Cabotaje-Tang upang ilatag ang pangkalahatang legal na pamantayan sa unexplained wealth, SALN at pananagutan ng mga opisyal bago iharap ang dokumentaryong ebidensya ng prosekusyon.
Sinuportahan ni Senator-Judge Risa Hontiveros ang pagdinig sa testimonya dahil maaaring makatulong sa impeachment court at publiko ang karanasan ni Cabotaje-Tang sa mga kasong may kinalaman sa graft, unexplained wealth at public accountability.
Sinabi ni Hontiveros na maaari namang i-cross-examine ng depensa ang testigo at magharap ng sarili nitong expert witness.
Pumabor din si Senator-Judge Vicente “Tito” Sotto III na bigyan ng pagkakataon ang prosekusyon na maglatag ng ebidensya.
Hindi nagpatunay si Cabotaje-Tang ng anumang partikular na bank account, ari-arian, negosyo o SALN ni Duterte sa bahaging ito ng kanyang testimonya. Tinalakay niya ang mga pangkalahatang batas at pamantayang maaaring gamitin sa pagsusuri ng ebidensya.
Sa hiwalay na palitan, sinabi ni Cabotaje-Tang na maaaring tumanggap ng dividends ang isang Pangulo o Bise Presidente mula sa shares of stock.
Ngunit sinabi rin niyang ipinagbabawal ang direkta o hindi direktang pakikilahok sa negosyo at maaaring kailanganin ang divestment.

