Calendar
Binatilyo, 15, nahulog sa mall, tigok
PATAY ang isang 15-anyos na Grade 8 student matapos mahulog mula sa mataas na bahagi ng isang mall sa Quezon City noong Miyerkules ng tanghali.
Ayon sa report alas-12:06 ng tanghali nang matagpuan ang biktimang si alyas “JZQ” sa ground floor food court area ng isang mall sa Aurora Boulevard, Brgy. Kaunlaran.
Sa imbestigasyon ng QCPD nagsasagawa ng roving patrol ang isang security guard nang makarinig ito ng malakas na kalabog. Nang tingnan ang pinanggalingan ng tunog, nakita nito ang duguang katawan ng binatilyo na nakahandusay sa sahig.
Agad na rumesponde ang mga medic ng mall at isinugod ang biktima sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERM) ngunit idineklarang patay alas-2:47 ng hapon.
Batay sa medical report, nagtamo ang biktima ng multiple physical injuries at severe traumatic brain injury na dulot ng matinding pagkakahulog.
Sa pahayag ng isang testigo na nagtatrabaho sa isang beauty parlor sa ikatlong palapag ng mall, nakita umano nito ang binatilyo na umakyat sa railing bago tuluyang nahulog.
