Parak-QC inaresto 6 na sugarol

226 Views

ANIM ang naaresto sa akto na nagsusugal ng “flippers” at dalawa sa kanila ang nahulihan ng pen gun ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) sa Brgy. Tatalon, Quezon City.

Ayon kay QCPD Director P/BGen Randy Glenn Silvio, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Galas Police Station 11 matapos makatanggap ng tawag sa E911 hinggil sa ilegal na sugal sa lugar.

Unang nadakip dakong alas-2:28 ng madaling araw noong Hunyo 10 sina alyas John Lloyd, 23; Emil, 35; at Keith, 18, sa Kaliraya St., Brgy. Tatalon.

Nakumpiska sa mga suspek ang P500 na pustahan at tatlong tig-iisang pisong barya na ginagamit sa paglalaro ng “flippers.”

Nasamsam din kay John Lloyd ang isang pen gun na may isang bala ng kalibre .38.

Makalipas ang ilang minuto o alas-2:50 ng madaling araw, nadakip sa G. Araneta Avenue sina alyas Jeffrey, 33; John Clark, 21; at Jhayriell, 23, habang abala rin sa naturang ilegal na sugal.

Narekober sa kanila ang P500 na bet money at tatlong tig-iisang pisong barya. Nakumpiska rin kay Jhayriell ang isa pang improvised pen gun na may isang bala ng kalibre .38.

Mahaharap ang anim sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti-Illegal Gambling Law habang sina John Lloyd at Jhayriell ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nanawagan si Silvio sa publiko na iulat sa pulisya o sa E911 at QC Helpline 122 ang anumang ilegal na aktibidad sa kanilang lugar.