Calendar
Boeing 767 na may 137 pasahero, 9 crew nag-emergency landing sa Davao


INIULAT ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na isang Air Niugini Boeing 767-383ER, na may call sign na PX19 at bumiyahe mula Hong Kong patungong Port Moresby, Papua New Guinea, ang nagsagawa ng emergency landing sa Davao International Airport (DIA) bandang 12:08 ng madaling-araw noong 21 Nobyembre 2026.
Lulan ng naturang eroplano ang 137 pasahero at siyam na crew members.
Batay sa paunang impormasyon, naiulat na nagkaroon ng insidente ng sunog sa kanang makina ng sasakyang panghimpapawid kaya nagpasya ang flight crew na magsagawa ng emergency landing.
Ligtas na nakalapag ang eroplano at nagtungo sa Taxiway 4.
Sa isinagawang paunang pagsusuri, natukoy ang pinsala sa lahat ng apat na gulong ng landing gear sa kanang bahagi ng eroplano.
Pansamantalang isinara ang Davao International Airport upang bigyang-daan ang mga kinakailangang emergency response operation at matiyak ang kaligtasan ng mga operasyon sa paliparan.
Matapos makumpleto ang mga kaukulang hakbang at masuri ang runway, muling ipinagpatuloy ang operasyon ng paliparan ganap na 2:05 ng madaling-araw (0205H).
Dahil sa pansamantalang pagsasara ng paliparan, nakansela ang dalawang inbound flights mula Maynila, kabilang ang Cebu Pacific Flight 5J 967 at Philippine Airlines (PAL Express) Flight PR 2803.
Kinukumpirma ng CAAP na ligtas ang lahat ng 146 na sakay ng eroplano, na binubuo ng 137 pasahero at siyam (9) na crew members. Nananatiling naka-secure ang sasakyang panghimpapawid sa Taxiway 4, habang nagbibigay naman ng kinakailangang ground handling assistance ang MacroAsia.
Samantala, nagpadala na ang CAAP ng isang Aircraft Accident Investigator upang magsagawa ng imbestigasyon at alamin ang mga pangyayari at iba pang salik na may kaugnayan sa insidente.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang CAAP sa mga kinauukulang awtoridad sa paliparan at iba pang stakeholder upang masubaybayan ang sitwasyon at matiyak ang maayos na pagtugon sa insidente.
Ang mga susunod na update ay ilalabas sa pamamagitan ng mga opisyal na komunikasyon ng CAAP sa sandaling makumpirma ang mga karagdagang detalye hinggil sa pangyayari.

